180 total views
Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga pulitiko hinggil sa pagpapabakuna laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Camillian priest Fr. Dan Vicente Cancino, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, huwag munang makipag-unahan at gamitan ng pulitika ang isinasagawang pagpapabakuna.
Iginiit ni Fr.Cancino na unahin ang mga medical frontliners na nangangalaga sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
“Sana po unahin natin at sundan ang ating prioritization [program]. Sundan ang mga dapat munang bigyan ng vaccine. Huwag muna tayong mamulitika at sa ating mga politicians, huwag muna po kayong manguna. Unahin natin ang ating mga healthcare workers,” bahagi ng panawagan ni Fr. Cancino sa Healing Mass sa Veritas nitong Marso 2.
Payo naman ng pari sa publiko na ang pagdating sa bansa ng COVID-19 Vaccine ay hindi nangangahulugang dapat nang makampante ang publiko dahil maliligtas na ang lahat sa banta ng virus.
Ipinaliwanag ng Pari na mahalaga at mas makabubuti pa ring sundin ang minimum health protocols upang patuloy na maligtas at makaiwas na mahawaan ng COVID-19.
“Magsuot pa rin po tayo ng mask at ng ating faceshield. Huwag po tayo maging kampante. Ipagpatuloy ang ating minimum healthcare standards-mask, faceshield, physical distancing, paghuhugas ng kamay at pag-sanitize. Importante po talaga iyon,” ayon kay Fr. Cancino.
Nitong lunes ay nagsimula na ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan makaraang dumating sa bansa ang nasa 600-libong doses ng CoronaVac ng Sinovac mula sa China.