212 total views
July 16, 2020, 1:09PM
Dismayado ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa anunsyo ni Health Secretary Francisco Duque III na matagumpay na na-flatten ng Pilipinas ang COVID-19 pandemic curve sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM, isang kabalintunaan ang pahayag ng kalihim sa naging deklarasyon ng D-O-H na puno na o nasa ‘danger zone’ na ang kapasidad ng mga pagamutan sa bansa na nakalaan para sa mga pasyente na mayroong COVID-19.
Iginiit ng Pari na kailangang maging malinaw ang batayan at pamantayan ng kagawaran sa pagsusuri at pagpapahayag sa tunay na kalagayan ng lipunan mula sa pandemya.
“Dito ka lang makakakita na nag-flatten ang curve pero ang Department of Health nagdeklara na punong-puno ang mga ospital at wala ng mapuntahan yung mga tinatawag nating PUIs at PUMs. Hindi ko lang maintindihan, sino ba talaga dapat ang magdeklara, ano ang pamantayan at sa kabila ng pag-pa-flatten ng curve na ito ay iba ang mukha ng lipunan…”pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Pinuna rin ng Pari ang pagtatalaga ng mga anti-COVID Czar’s na mangunguna sa pagpapatupad ng mga programa at iba pang pamamaraan ng pamahalaan upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19.
Nanindigan si Fr. Cortez na importante na akma ang kakayahan at kredibilidad ang mga mamumuno sa kampanya kontra COVID-19 upang ganap na masolusyunan ang pandemya.
Inihayag ng Pari na mga eksperto o mga dalubhasa sa medisina ang dapat na maging bahagi ng naturang Anti-COVID Czars sa halip na mga militar o pulis sapagkat ang COVID-19 ay isang usaping pangkalusugan at hindi pang-militar.
“Walang issue o kaso kung magtalaga sila dahil kailangan naman talaga, pero yung kredibilidad nung taong tinatalaga nila. Ang nakakapagtaka bakit parang sa panahon ng COVID-19 tayo ay nasa isang emerhensya military. Hindi ba dapat yung mga czar na tinatalaga natin ay mga dalubhasa o mga doctor. Magtalaga sila nung taong karapat-dapat na talagang makakalutas hindi lang sa usapin ng ekonomiya kundi lalong lalo na sa usapin ng kalusugan…”katanungan ni Fr. Cortez.
Matapos na maging kontrobersyal ang pahayag ni Secretary Duque ay agad din itong binawi ng kalihim.
Magiging pandemic response chief implementer si Secretary Carlito Galvez Jr. sa limang phases o bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa health crisis na dulot ng pandemya na planning, detection of the virus, isolation, treatment at reintegration.