170 total views
Hindi dapat hayaan ng mga Filiipno na tuluyang makapasok sa bansa ang “anti-life mentality” upang hindi magaya sa ibang mga bansa na tumatanda na ang kanilang populasyon.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, mahirap lamang ang Pilipinas at hindi katulad ng ibang mga bansa na kayang suportahan na makakuha ng mga dayuhang manggagawa.
“Alam mo dahan-dahan nangyayari na rin sa atin yan tumatanda na yung ating population na mayroon ng kultura lalung-lalo na sa mga lungsod natin na ayaw ng maraming anak. Kaya yung nangyayari sa ibang bansa ay mangyayari din sa atin kaya dapat tayong maging handa din tayo diyan, mabuti na lang kung mayaman yung bansa natin makakakuha tayo ng workers sa labas, yung ibang bansa ganyan pero sa atin ay hindi natin kaya yan kaya dapat i- maximize natin at hindi dapat mangyari,dapat mawala yung anti-life mentality na pumapasok sa atin.”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Inihayag ng Obispo na hindi pa man lubusang nakakapasok ang kulturang sa Pilipinas ngunit patuloy at pursigido ang pagsusulong ng iilan dito tulad na lamang ng pagsasabatas ng RH law.
Aminado si Bishop Pabillo na malaking hamon sa Simbahang Katolika na palakasin ang programa kaugnay sa Family and Life apostolate upang hindi maisakatuparan ang population control na isinususlong ng RH law.
“May implikasyon yang RH pero nasa atin din yan, kaya nga dapat lakasan din natin yung ating family and life apostolate upang hindi pumasok yang mentality na yan na pinopromote ng batas. Sana matuto na tayo sa nangyayari sa ibang bansa, na maging wake up call na sa atin yan.”paliwanag ng Obispo
Nagbabala si Bishop Pabillo na lubos na maapektuhan ang ekonomiya at kaunlaran ng Pilipinas kapag tuluyang tumanda ang populasyon nito.
Una nang lumabas sa pag-aaral ng Estados Unidos na pagsapit ng taong 2050, posibleng magdoble ang bilang ng mga matatandang may edad 65 o may bilang na 1.6 na bilyung tao.
Nabatid na sa Pilipinas sa kasalukuyan ay mayroon pang 35.9-milyung tao ang nasa workforce o 62-percent ng kabuuang populasyon ng bansa.