391 total views
Mula pa sa aming kabataan palaging nilalarawan kabutihan ng Patron naming mahal San Martin ng Tours sa France kung paano niyang hinati kanyang kapa upang damitan at huwag malamigan dukhang matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan ay kanyang napanaginipan Panginoong Jesus sa kanyang paanan tangan-tangan kapang ibinigay sa matandang tinulungan, kaganapan ng kanyang katuruan na ano mang kabutihan ang inyong gawin sa mga maliliit at nahihirapan ay siya rin ninyong ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga ng kapa ng ating Patrong mahal na dating kawal, sanay sa mga digmaan: nang siya ay mabinyagan, hinasa niya kanyang isipan upang matutunan mga aral ng pananampalataya na kanyang dinalisay sa taos-pusong pananalangin kaya't lubos siyang napaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim sa kanyang pananalangin, nagtutungo si San Martin sa kagubatan at hinuhubad suot niyang kapa upang isampay at ibitin upang sakali man siya ay kailanganin, madali siyang tuntunin tanging kapa niya ang hahanapin.
Mula sa "kapa" ni San Martin na noo'y kawal sa France nanggaling salita na "kapilya" na mula sa "chapele" ng mga Pranses na tumutukoy sa kanyang kapa na hinuhubad tuwing nananalangin at ngayon gamit natin sa munting pook-dalanginan upang tulad ni San Martin taimtim din tayong makapanalangin.
Kay sarap pagnilayan at tularan halimbawa ni San Martin ng Tours: hinubad kanyang "kapa" --- kapangyarihan at katanyagan upang maramtan ng katauhan ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!







