243 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang natin ngayong Nobyembre ang National Children’s Month. Inaalala nito ang pagpirma at pagpapatibay natin sa United Nations Convention on the Rights of the Child (o UNCRC), isang pandaigdigang kasunduan para sa pagtataguyod ng karapatan ng lahat ng mga bata.
Ngunit gaano nga ba kaseryoso ang ating bansa upang tiyaking no child is left behind?
Sa panukalang budget para sa 2022, 7.8 bilyong piso ang nakalaan para sa mga feeding program sa mga bata. Tinatayang 3.6 milyong batang kulang sa timbang o undernourished ang maaabot nito ayon sa mga mambabatas, lalo na’t sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) noong Hulyo, nasa 3.4 milyong pamilya ang nagsabing nakakaranas sila ng kagutuman ngayong pandemya. Ang Department of Social Welfare and Development (o DSWD) ang gagamit sa 4.2 bilyong piso mula sa kabuuang budget na ito, katumbas ng pagkain at gatas sa loob ng 120 araw para sa 1.9 milyong batang dalawa hanggang limang taong gulang. Tutugon ito sa malnutrisyong ayon sa World Health Organization (o WHO) ay nagdudulot ng stunting o pagkabansot o hindi pagtangkad ng mga batang Pilipino.
Maliban sa malnutrisyon, isa pang isyung kinakaharap ng mga bata ngayong pandemya ay ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala. Ayon sa WeProtect Global Alliance, isang kilusang kinabibilangan ng mga pamahalaan, civil society organizations, at pribadong sektor upang labanan ang online sexual abuse and exploitation of children, nagsisilbing lokasyon ang Pilipinas ng mga gumagawa ng mga child abuse materials. Noong 2020, umabot sa 1.29 milyong imahe at videos ng pang-aabuso sa mga bata ang natuklasan ng Philippine Center for Investigative Journalism (o PCIJ). Tumaas din ng 265% ang bilang ng mga reports tungkol rito, ayon naman sa Department of Justice (o DOJ).
Hindi lamang maayos na kalusugan at proteksyon mula sa pang-aabuso ang kailangan ng mga bata. Kailangan din nila ng isang mundong ligtas mula sa mga mapaminsalang epekto ng climate change. Ngunit lumalabas sa isang pag-aaral na pito sa bawat sampung batang Pilipino ang nakakaranas ng pangamba dulot ng pagbabago ng klima o climate anxiety. Ito raw ay dulot ng pagkasira ng kapaligiran at patuloy na pag-init ng ating mundo. Sa bawat 10 batang Pilipinong edad 16 hanggang 25, pito sa kanila ang nagsabing tila wala silang oportunidad upang matamasa ang natamasa ng kanilang mga magulang. Lima naman sa bawat sampung bata ang nag-aalangang magkaroon ng anak sa kanilang pagtanda dahil sa krisis sa kapaligiran.
Inaaalala rin natin sa Santa Iglesia ang mga isyung ito, ngunit nakikita natin ang mga ito bilang mga magkakaugnay na suliraning kailangang sabay-sabay na tugunan ng lahat, lalo na ng mga pamahalaan. Katulad nga ng sinabi ni Pope Francis sa kanyang para sa mga kalahok sa nagpapatuloy na UN Climate Change Conference of the Parties (o COP26), kailangan ng political will ng mga nasa posisyon upang tapat, responsable, at matapang na makapaglaan ng karagdagang resources—tao, pera, at teknolohiya—sa pagtugon sa isyu ng climate change, lalong lalo na para sa mga pinakamahihirap. Ito rin ang kailangan upang sugpuin ang malnutrisyon at pang-aabuso sa mga bata. At karagdagang hamon na tugunan ang mga ito ngayong panahon ng pandemya.
Mga Kapanalig, gaya ng sinasabi sa Mga Awit 127:3, kaloob sa atin ng Diyos ang mga bata. Sila ay pagpapala Niya, at ang pagtataguyod ng karapatan ng mga bata ay nagpapakita ng pagtanggap natin sa responsibilidad na kalingain, pagyamanin, at protektahan ang mga bata. Ang malnutrisyon, pang-aabuso sa mga bata, at pagkasira ng mundong mamanahin nila ay mga isyung dati ng naririyan, may pandemya man o wala. Panahon na upang seryosohin natin ang paglutas sa mga ito.