27,991 total views
Magdasal para sa Kapayapaan
“Mapalad ang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan sapagkat sila’y tatawagin na mga anak ng Diyos.” (Mateo 5:9)
Mga minamahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,
Ang kapayapaan ay sumainyo!
Kapayapaan ang malaking hangarin ng mundo ngayon. Nababalitaan natin ang lumalalang kaguluhan sa Middle East. Hindi pa natatapos ang digmaan sa Gaza at sa Lebanon, nagsimula na naman ang pagpapalitan ng mga bomba ng Iran at ng Israel. Nanganganib na sumiklab ito sa mas malawakang digmaan na mahihigop ang ibang pang mga bansa.
Huwag po nating balewalain ang mga pangyayari doon sa kadahilanang malayo naman tayo. Sa kalagayan ng mundo ngayon, anuman at saanmang digmaan ay nakakaapekto sa lahat. Nakakaapekto ito sa ekonomiya ng mga bansa. Nakakaapekto ito sa presyo ng langis sa buong mundo. Nakakaapekto ito sa mga OFW natin. Kung sumiklab ang digmaan sa Middle East, libo-libo ang mga OFW natin doon. Mabahala po tayo. Huwag tayo magwalang kibo.
Ano naman ang magagawa natin? Una po, huwag tayong maniwala na may kabutihan na magagawa ang digmaan. Sa anumang digmaan, lahat ay talo. Walang kabutihan ang madadala nito. Ang mas lalong naapektohan ng anumang digmaan ay ang mga ordinaryong tao, ang mga tao na hindi humahawak ng baril, lalo na ang mga bata, ang mga kababaihan, ang mga matatanda, at ang mga may kapansanan.
Ang isang pinapatay ng anumang digmaan ay ang katotohanan. Kasama ng kamatayan, lumalaganap ang kasinungalingan kasi gusto ng mga may kapangyarihan na kampihan sila. Kaya hindi lang bomba ang pinapasabog; ganoon din ang kasinungalingan. Kaya huwag po tayong magpadala sa mga nagbabalita kung sino ang tama at kung sino ang mali. Lahat ng gumagamit ng baril at bomba ay mali. Hindi kalooban ng Diyos na pumatay tayo ng kapwa tao.
Kaya huwag tayong magsawa na manawagan ng kapayapaan. Itigil na ang bombahan. Sana ang pamahalaan natin ay magpahayag na tutol tayo sa anumang digmaan. Huwag gumamit ng sandata upang pasakitan ang mga mamamayan ng itinuturing na kaaway. Mga inosenteng mga tao ang nagdurusa sa pagsabog ng anumang bomba.
Isang malaking magagawa natin kahit malayo tayo sa labanan ay magdasal. Ipaabot natin sa Diyos ang ating hangarin at pagsusumamo na magkaroon na ng kapayapaan. Maniwala tayo sa bisa ng panalangin. Ito rin ang hiniling ng Mahal na Ina sa Fatima noong panahon ng World War I. Magdasal ang lahat ng Rosaryo para sa kapayapaan ng mundo. Kaya hinihikayat ko ang lahat na magdasal ng Santo Rosaryo sa ating mga tahanan, sa ating mga Kriska, sa ating mga chapels at mga simbahan. Sa ganitong paraan gumagawa na tayo ng daan para sa kapayapaan at ituturing tayo ng Diyos na mga anak niya. Pakikinggan ng Diyos ang dasal ng mga ordinaryong tao para sa kapayapaan. Ito rin ang hinihingi ni Papa Leon sa lahat na mga kristiyano. Paliparin nating lahat ang ating panalangin at punuin ng dasal ang langit. “Panginoon, ipadala mo sa amin ang biyaya ng kapayapaan sa mundo.”
Ipagdasal natin na palambutin ang puso ng mga leaders ng mundo at liwanagan ang kanilang isip na walang nananalo sa digmaan. Sana makita nila na hindi nagdadala ng kapayapaan at ng katarungan ang anumang away. Kung bibigyan ng pagkakaton ang pag-uusap at ang negosasyon, maaayos naman ang lahat ng problema. Ang kapayapaan ay makakamtan lamang sa pamamamagitan ng mga mapayapang pamamaraan.
Mga kapatid, nanganganib po tayong lahat dahil sa mga digmaan. Huwag tayong magwalang bahala. Huwag din tayo mawalan ng pag-asa. Kakampi ng Diyos ang lahat na kumikilos para sa kapayapaan. Kumilos tayo para sa kapayapaan. Magdasal tayong lahat para sa kapayapaan. Magrosaryo ang ating mga pamilya araw-araw. Mag-ayuno tayo at magsakripisyo. Magsimba tayo upang mapigil na ang mga walang saysay na digmaan at patayan.
Kasama ninyong nababahala,
Bp. Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
June 22, 2025