334 total views
Mas higit na kinakailangan sa kasalukuyan ang mga relief goods para sa mamamayan na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ayon pa kay Fr. Jayson Siapco ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa pag-uwi ng mga residente higit nilang kailangan ang mga pagkain, tubig at iba pang pangangailangan sa araw-araw makaraan ang mahigit na dalawang linggong pananatili sa evacuation centers.
“Sa pagkakataong ito na nagbalikan ang mga kababayan natin sa kanilang tahanan, lalu at pinamahalaga ngayon ang relief goods. Sapagkat sila’y nag-uwian, at sa kanilang pag-uwian tandaan natin even the business side of their area ay patay. Ibig sabihin nag-total lockdown wala namang tao at the same time ang lahat ay abala sa paglilinis definitely ngayon inihanda namin ang lahat ng relief packs,” ayon kay Fr. Siapco.
PARISH BASED RELIEF OPS
Paliwanag ng pari, mula sa dating pamamahagi ng relief items kada evacuation centers ay ihahatid na ngayon ang mga kailangan ng mga apektadong pamilya sa bawat parokyang nakakasakop dito.
“So parish based tayo ngayon ang mga parokya ang magdi-distribute ng relief packs per families,” ayon kay Fr. Siapco.
Panawagan din ng pari na sa kasalukuyan bukod sa relief packs, kinakailangan din ng mga residenteng apektado ng pagputok ng bulkang taal ang mga manggagamot dahil na rin sa dami ng bilang ng mga nagkakasakit.
‘OPTIONAL’ ANG PAG-UWI NG MGA BAKWIT
Nilinaw naman ni Fr. Siapco na ‘optional’ lamang at hindi pa kautusan ang pagbabalik sa kanilang tahanan ng mga residenteng nasa evacuation centers.
“They only have the ‘option’ to return to their homes. Bakit? Kasi tandaan una dahil ito ay nasa alert level number 3. Bagama’t alert level 3 mayroon pa ring malaking posibilidad na pumutok ang bulkang Taal,” paliwanag ni Fr. Siapco.
Ito ayon kay Fr. Siapco ay sa kabila ng pagbaba ng PHIVOLCS sa alert level 3 ang kalagayan ng bulkang taal mula sa dating alert level 4.
Sa pagbaba ng alert status sa paligid ng taal ay maari nang umuwi sa kanilang tahanan ang mga lumikas na residente kung kanilang nanaisin maliban lamang sa bayan ng Laurel at Agoncillo na nanatiling umiiral ang total lockdown.
Paliwanag ni Fr. Siapco, ito ay ‘option’ lamang ng mga residente dahil malaki pa rin ang posibilidad na pagkakaroon ng malakas na pagsabog ang bulkang taal at ang posibleng pagdaloy ng lahar lalu na sa mababang lugar sakaling umulan o sumabog ang bulkan.
Sa alert level 3 ibinababa rin sa 7 kilometer permanent danger zone mula sa dating 14 kilometer danger zone.
Nanatiling may 10 libong pamilya ang nasa loob ng umiiral na permanent danger zone.
Babala pa ni Fr. Siapco sa mga nagsi-uwing residente na binibigyan lamang sila ng isang oras na mag-evacuate sa oras na itaas muli sa alert 4 ang status ng bulkang Taal.
Higit sa 300 libong residente ang lumikas dulot ng pagputok ng bulkan na mula sa 199 na barangay at 15 bayan ng lalawigan ng Batangas.