342 total views
Itinuturing na malaking hamon sa bagong Obispo ng Diocese ng Kidapawan ang panibagong mukha at uri ng Simbahan doon.
Ayon kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo, magiging hamon sa kanya sa Diocese ng Kidapawan ang presensiya ng New People’s Army at mas maraming indigenous people.
“Unang-una kung dito sa Archdiocese ng Cotabato, ang isyu on peace and order ay yung mga conflicts between the military and MILF, yung Muslim insurgency. Sa Kidapawan ay ang presence NPA in the mountains of Kidapawan bordering Davao del Sur and Davao City. Yung mga municipalities and town na malapit sa Malaybalay medyo malaki yung presensiya ng NPA at maraming IPs.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na excited siya sa bagong pagpapastulan lalo na at mayroong bagong anyo at kultura ang kanyang kakaharapin sa Kidapawan.
“Excited to be there sapagkat iba ang anyo ng Kidapawan. Iba din ang kultura doon at iba rin ang terrain, yung physical na locations ng different parishes,”pahayag ng Obispo sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na feeling at home siya sa Kidapawan dahil 90-porsiyento ng mga pari sa Diocese ay personal na niyang kakilala maging ang mga layko doon.
“Medyo feeling at home din ako in a sense kasi halos lahat ng pari doon kakilala ko kasi five years ago na ang lahat ng seminarian nila ay nagseminaryo dito sa amin sa Cotabato City. Marami ding lay people na lumipat sa Cotabato at Kidapawan,”pahayag ng Obispo.
Ipinaliwanag din ni Bishop Bagaforo na simbolo ng pagkakaisa ng Simbahan ang pagkakaroon ng Obispo at siya rin ang magsisilbing lider o pastol sa mga Katoliko at maging sa ibang grupo o relihiyon.
Itinalaga ng Santo Papa si Bishop Bagaforo noong ika-25 ng Hulyo bilang bagong Obispo ng Diocese ng Kidapawan.
Sa ika-6 ng Setyembre 2016 ay pormal na itatalaga si Bishop Bagaforo bilang Obispo ng Diocese of Kidapawan ganap na alas-nueve ng umaga.
Si Bishop Bagaforo ay nagsilbing Auxiliary Bishop ng Archdiocese ng Cotabato mula noong 2006 pagkatapos ng kanyang episcopal ordination.