274 total views
Ipinagpasalamat ng mga Pari sa Northern Luzon na hindi na nagdulot ng labis na pinsala ang bagyong Carina sa kanilang mga lalawigan.
Ayon kay Archdiocese of Tuguegarao Social Action Director Rev. Fr. Augustus Calubaquib, bagama’t naramdaman ang malakas na hangin at ulan sa Cagayan nitong nakalipas na Sabado at Linggo ay hindi naman ito nagdulot ng labis na pinsala maging sa mga kanilang coastal areas.
Aminado si Fr. Calubaquib na nakatulong ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa pagdating ng bagyo habang ang ulan ay sapat naman para sa pangangailangan ng ilang mga sakahan.
“Sa part ng Simbahan nagkaroon tayo ng mga paalala, sa municipal level may mga rescue team na nag-ready. Meron mga nagpapasalamat kasi umulan nakatulong sa mga sakahan,”pahayag ni Fr. Calubaquib sa panayam ng Radio Veritas.
Nanatili ding maayos ang sitwasyon sa Diocese of Laoag bagama’t kasalukuyan pa ring inaalam ng Social Action Center ng Diocese kung may mga kabahayan naapektuhan sa hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
“So far we are okay, we just need to assess situation at the aftermath of typhoon Carina to see what assistance we can extend,”pahayag ni Msgr. Noel Ian Rabago, Social Action director ng Diocese of Laoag.
Sa bahagi naman ng Prelatura ng Infanta sa Aurora, ay hindi halos naramdaman ang epekto ng bagyo.
“All is well here walang bagyo except sa makulimlim na panahon” ayon kay Fr. Israel Gabriel, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta.
Sa huling ulat ng PAGASA ay nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Carina.
Una ng inihayag ng ahensya na posibleng umabot sa 17 bagyo ang pumasok sa bansa ngayong taong 2016.