1,781 total views
Mga Kapanalig, mahalagang haligi ng demokrasya ang pagkakaroon ng isang malayang media. Kapag malaya ang mga taong naghahatid sa atin ng balita at mahalagang impormasyon tungkol sa mga ginagawa ng mga nasa poder, higit nating napananagot ang mga namumuno sa atin. Kaya ganoon na lang ang pagkabahala ng mga may pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag o press freedom sa pag-aresto noong nakaraang linggo kay Maria Ressa, kilalang mamamahayag na nagtatag ng media firm na Rappler.
Mahirap ituring na isang pangkaraniwang kaso ng pagpapairal ng batas, gaya ng sinasabi ng gobyerno, ang pag-aresto kay Maria Ressa. Lubhang maraming di-pangkaraniwan sa naganap na pagbuhay sa isang lumang kasong matagal nang na-dismiss ng korte, at hindi man lamang si Ressa ang sumulat ng artikulong di-umano’y nakagawa ng cyber-libel. Sapagkat kilaláng mapanuri at makatotohanan sa kanilang mga inilalathala si Ressa at ang Rappler, itinuturing ng ilang grupo ang pag-aresto kay Ressa na isang pagtatangkang supilin ang malayang pamamahayag, lalo na sa pagpapahayag ng mapanuri at kritikal na mga pananaw na salungat sa kagustuhan ng kasalukuyang administrasyon. Kilala rin si Ressa na nagsasaliksik at nagbabantay sa paglaganap sa social media ng mga fake news. Tumutulong ang kanyang ginagawa na labanan ang paglaganap ng kasinungalingan sa social media na itinuturing ngayong isang malaking banta sa ating demokrasya. Hindi ikinatutuwa ng mga nagpapalaganap ng kasinungalingan ang ginagawa ng Rappler. Sa nangyayaring tila panggigipit sa Rappler at kay Ressa, maari ngang itanong kung tunay nga bang ang interes ng publiko at ng nakararami ang natutulungan.
Kinikilala ng ating Simbahan ang karapatan ng anumang lipunan sa impormasyong nababatay sa katotohanan, kalayaan, katarungan, at pakikipagkapwa. Kaya itinuturing ng Simbahang mahalaga ang malayang media sa pagpapaunlad ng sangkatauhan sa iba’t ibang larangan ng ekonomiya, pulitika, kultura, edukasyon, at pananampalataya. May ilang panuntunan ang Simbahan ng mabuting media. Una ay kung tumutulong ito sa ikabubuti ng tao. Ikalawa ay kung natutulungan nitong maging higit na maláy ang mga tao sa kanilang dignidad. Ikatlo ay kung nakatutulong ito sa espiritwal na pagtubo ng mga tao. At ikaapat ay kung pinauunlad nito ang kabukasan at pananagutan ng mga tao sa isa’t isa, lalo na para sa mga dukha at mahina sa lipunan.
Ang mga mamamahayag na gumaganap sa mga panuntunang nabanggit ay marapat lamang na pinoprotektahan ng pamahalaan. Hindi sila dapat pinahihirapan, hindi sila dapat ginigipit. Katuwang sila ng pamahalaan sa pagsusulong at pagpapaunlad ng kagalingan ng nakararami. Ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng katotohanan lamang ang tunay na magsasanggalang sa mga mamamayan laban sa pang-aabuso ng mga namumuno. Ito ang dahilan kung bakit kailangang protektahan ang kalayaan ng mga mamamahayag. Sa malayang pamamahayag, masusuri rin kung totoo o hindi ang nakararating na impormasyon sa publiko; tinatawag ito ngayong fact-checking. Kung wala ang ganitong mga nagsusuri ng katotohanan sa pagpapahayag, malilinlang ang marami sa atin ng mga maling impormasyon, bagay na napakalaganap ngayon.
Malinaw na ang pagkakaroon ng mga mapagkakatiwalaang mamamahayag ay sandigan ng isang lipunang pinahahalagahan ang katotohanan. Kung mahalaga sa mga mamamayan ang katotohanan, ipagtatanggol nila ang mga mamamahayag na nagsasabi ng katotohanan. Kung dahan-dahang susupilin ang kalayaang magpahayag, madali na ring supilin ang iba pang mga kalayaan dahil kung wala nang nagpapaalám sa mga mamamayan ng tunay na mga kaganapan, paano pa natin malalaman kung may mga nagaganap na ngang mali o paglapastangan sa iba pa nating kalayaan?
Mga Kapanalig, tunay ngang nakababahala kung mababalot ng pagkatakot ang mga mamamahayag. Ito ang nais na mangyari ng mga kaaway ng katotohanan: ang matakot ang mga taong ibunyag at ipagtanggol ang katotohanan. Ang tanong na lamang marahil sa atin: ano ang handa nating gawin para sa katotohanan?
Sumainyo ang katotohanan.