496 total views
Marapat pasalamatan ang sektor ng pagsasaka sapagkat mahalaga para sa buhay ng bawat isa ang gawain ng mga nagbubungkal ng lupa.
Ito ang nilalaman sa isang panalangin ng Kaniyang Kabanalan Francisco para sa mga magsasaka bilang pagbibigay pugay sa dakilang gawain sa paglinang ng mga lupang ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
Giit ng Santo Papa karapat dapat na bibigyan ng disenteng buhay ang bawat magsasaka sa lipunan dahil maging sila ay taong nilikha na kawangis ng Panginoon.
Sa Pilipinas, nanawagan sa pamahalaan ang grupo ng mga magsasaka na nanganganib na mawalan ng kabuhayan kasunod ng pagsasabatas ng Rice Tariffication Law na layong luwagan ang alituntunin sa pag-aangkat ng bigas at mapabilis ang pagpasok sa mga pamilihan.
Ayon sa Bantay Bigas at Amihan, labis ang panganib ng batas sa lokal na produksyon ng bigas na maaring hindi na tangkilikin ng mamamayan kaya’t hinimok nito ang mga Filipino na pangalagaan ang lokal na produksyon ng bigas sa pamamagitan ng pagkakaisang manindigan na ipagwalang bisa ang inamiyendahang Republic Act No. 8178 o ang Agricultural Tariffication Act of 1996.
“We urge the stakeholders, the producers and consumers to protest and protect our country’s food security and demand the junking of this law,” pahayag ni Cathy Estavillo ng Bantay Bigas.
Kapwa nanindigan ang grupo na hindi solusyon sa suliranin ng suplay at presyo ng bigas sa bansa ang Rice Tariffication Law kundi makasisira lamang ito sa kakayahan ng mga magsasaka na tustusan ang suplay ng bigas sa bansa.
Giit ni Estavillo, magbibigay daan ang nasabing batas para pamunuan ng malalaking negosyante at ilang pribadong indibidwal ang pagsusuplay ng bigas sa bawat Filipino.
“These profit-oriented entities do not recognize food security as primary, thus, availability and accessibility of the poor sectors to food are emasculated,” dagdag ni Estavillo.
Sa pag-aaral ng grupo, 350 bilyong pisong halaga ang mawawala sa industriya ng bigas sa pagsabatas ng Rice Tariffication Law kaya’t hinimok ng grupo ang lahat ng sektor na magkaisang manindigan sa pagtutol ng nasabing batas.