Mga Kapanalig, matapos ang pagkakapatay sa mga lider ng Maute group noong nakaraang linggo, idineklara ni Pangulong Duterte ang pagtatapos ng limang buwang labanan sa lungsod ng Marawi. “Liberated” o malaya na raw ang lungsod mula sa mga terorista. Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng militar dahil may mga bihag pang nasa kamay ng mga natitirang pro-Islamic State fighters. Mananatili rin daw ang batas militar sa Mindanao hanggang matunton ang pinakahuling terorista. Nagsimula na ring magsibalikan sa kanilang mga pamilya ang mga magigiting nating sundalo.
Ayon sa pamahalaan, hudyat ang simbolikong deklarasyong iyon ng pangulo ng pagtatayong muli ng lungsod at pagbangon ng mga mamamayan nito. Ngunit alam nating lahat na hindi ito magiging madali. Hindi ito magiging mabilis. Umaasa tayong gagawin ng pamahalaan, katuwang ang ibang mga institusyon, ang lahat upang maitayong muli ang mga nasirang bahay, palengke, simbahan, mosque, paaralan, at iba pang gusali. Kailangan ding maibalik ang mga serbisyong katulad ng kuryente, malinis na tubig, at mga kalsada.
Ngunit hindi lamang sa mga pisikal na istruktura nakasalalay ang pagbangon ng nasirang lungsod. Paalala ang malagim na pangyayaring ito sa Marawi ng pangangailangang gumising tayong lahat sa katotohanang hindi natatapos ang banta ng terorismo sa pagkakapaslang sa mga taong nagpapalaganap ng lagim. Kailangan nating gisingin ang ating mga sarili sa katotohanang magpapatuloy ang terorismo hangga’t lugmok sa kahirapan ang mahigit kalahati ng 3.8 milyong populasyon ng ARMM, hangga’t may mga taong mapipilitang kumapit sa patalim para lamang mabuhay ang kanilang pamilya. Sasamantalahin ng mga masasamang-loob ang kalagayang ito upang makahikayat ng mga taong handang humawak ng armas at manakit ng kanilang kapwa kapalit ang pangakong salaping makatutugon sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Patuloy na makahihikayat ang mga teroristang grupo ng mga tao, lalo na ng mga kabataan, na hindi nakapag-aral at walang kakahayang timbangin ang tama at mali, ang mabuti at masama.
Samakatuwid, kung nais talaga nating pahinain ang puwersa ng mga terorista, kailangan nating baguhin ang mga kalagayang nagtutulak sa mga taong umanib sa mga grupong ito. Sa maraming pagsusuri sa katangian ng mga kasapi ng mga teroristang grupo gaya ng Islamic State, lumilitaw na kahirapan at kawalan ng oportunidad na magkaroon ng makahulugang hanapbuhay ang nasa likod ng pagsali ng mga tao sa teroristang grupo.
At maiuugnay natin rito ang sinabi ni Pope Francis. Aniya, ang mga digmaan, terorismo, at sapilitang paglikas ng mga tao o forced displacements ay bunga ng mga konkretong desisyon. At hindi lamang po ito tumutukoy sa mga desisyon ng pamahalaan o mga maimpluwensyang institusyon. Bawat isa po sa atin, ang bawat kasapi ng lipunan, ay may mga desisyong nakaaapekto sa iba. May epekto sa mga kababayan natin sa ARMM ang mga desisyon po natin sa Metro Manila. Halimbawa, kapag pinili nating paniwalaan at palaganapin ang baluktot na pananaw tungkol sa mga kababayan nating Muslim, nagiging bahagi tayo ng pagtutulak sa kanila sa dulo ng kaunlaran. Kapag pinili nating suportahan ang marahas na pagsugpo sa isang problema, nagiging bahagi tayo ng kultura ng karahasang nagbubuyô naman sa ibang gumanti rin gamit ang karahasan. Kung pinili nating mamuhay nang marangya sa gitna ng karukhaan ng marami, mistulang ninanakawan natin ang ating kapwang kapos sa buhay.
Nakaugat ang lahat ng ating mga pasya sa ating kalayaang pumili o freedom of choice, isang kalayaang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Kaya naman, gaya ng ipinahihiwatig sa sinabi pa ng ating Santo Papa, tandaan nating sa paggamit natin ng ating kalayaang pumili, dapat nating isinasaalang-alang ang pakikipagkaisa natin sa lahat, ang pakikiramay sa ating kapwa, ang pagsasabuhay ng ating pananagutan sa isa’t isa.
Mga Kapanalig, babangon ang Marawi. Babangon ang Pilipinas. Ngunit bago tayo bumangon, kailangan muna nating gumising sa ating kawalang pakialam, baluktot na paniniwala, at mga makasariling pagpapasya.
Sumainyo ang katotohanan.






