178 total views
Mga Kapanalig, kakasimula ng isang bagong taon at unti-unti na tayong bumabalik sa ating mga pang-araw-araw na gawaing kailangang gampanan. Gayundin ang ating pamahalaang magsasagawa na ng iba’t ibang mga pampublikong proyekto, lalo na’t ito ang unang taon na ipatutupad ng bagong administrasyon ang isang pambansang budget na ang gobyerno mismo ni Pangulong Duterte ang gumawa. Ang kabuuang budget para sa taóng 2017 ay umaabot ng 3.35 trilyong piso, mas mataas ng 350 bilyong piso kumpara sa budget ng 2016.
Ayon sa Malacañang, ang budget daw na ito ay walang pork barrel. Matagal nang binabatikos ang pork barrel dahil sa hinalang bahagi ng perang ginugugol sa mga proyektong napopondohan ng pork barrel ay napupunta sa bulsa ng mga mambabatas. Mabuting unawain nating mabuti, mga Kapanalig, kung ano ang panganib sa pork barrel at ano ang maaari nating gawin bilang mga mamamayan.
Kamakailan ay nagpahayag ang isang senador na mayroon pa rin daw pork barrel sa kasalukuyang budget. Aniya, may mga halagang nakapaloob sa budget ng mga ahensya ng gobyerno na nakalaan para sa mga proyektong itatalaga ng mga mambabatas. Ang sabi pa niya, ang mga proyektong paglalaanan ng mga halagang nakatalaga sa ilang mga mambabatas ay isiningit o idinagdag matapos na napagpasyahan ang budget sa Kongreso at Senado. Ito ang tinatawag ng mga “congressional insertions” na matagal nang binabatikos at sinabi ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas; samakatuwid, ang mga “congressional insertions” ay hindi dapat ginagawa.
Paliwanag naman ng kalihim ng Department of Budget and Management o DBM: tungkulin ng mga mambabatas ang magtukóy ng mga proyektong karapat-dapat pondohan ng pambansang budget. Ang hindi lang daw nila maaaring pakialaman ay ang implementasyon ng mga proyekto.
Sa sistemang demokratiko katulad ng sa Pilipinas, pinaghihiwalay ang kapangyarihang magtalaga ng pondo at magpasya kung paano gagamitin ang pondo at ang mismong pagsasakatuparan o implementasyon ng mga proyektong pinaggagamitan ng pondo. Ang pagtatalaga ng pondo ay nasa lehislatura o sa mga mambabatas, habang ang implementasyon ng mga programa at proyekto ay nasa mga kagawaran sa ilalim ng sangay ng ehekutibo. Mahalaga ring ang mga mambabatas na siyang nagtutukoy ng mga proyektong gugugulan ng pondo ng pamahalaan ay naipagtatanggol nang hayagan kung bakit karapat-dapat pondohan ang nasabing mga proyekto at angkop ang halagang gugugulin para sa kanila. Sa Kongreso ibinibigay ang kapangyarihang magtalaga ng mga proyekto sapagkat dito maaaring gawin ang deliberasyong bukás sa publiko. Mahalagang nabubusisi ito ng mga mamamayan, at kayang panagutan ng mga mambabatas na sa mga iyon nga dapat mapunta ang pera ng taong-bayan.
Ito ang dahilan, mga Kapanalig, kung bakit maituturing na labag sa batas ang pagdadagdag ng mga proyektong hindi dumaan sa tamang deliberasyon at masusing pagkilatis ng plenaryo ng Kongreso at Senado.
Ang demokratikong prinsipyong ito ay isinusulong at sinasang-ayunan ng mga panlipunang katuruan ng ating Simbahan. Kinikilala ng Santa Iglesia na wasto ang paghahati ng kapangyarihan ng estado, ang pagkakaroon ng “checks and balances”, at ang pagsunod sa batas o “rule of law”. Itinuturo rin ng Simbahan na ang mga institusyong kumakatawan sa mga mamamayan—o “representative bodies”—ay dapat nakikilatis at napapanagot ng mga mamamayan. Ang halalan ay isang paraan ng pagpapanagot sa mga hinalal na mga opisyales, ngunit higit na mabuti kung sa pagitan ng mga halalan ay nakikilatis natin mismo o sa pamamagitan ng ating mga inihalal na mga mambabatas ang pinagkakagastusan ng kaban ng bayan.
Sa pagbubukas ng isang bagong taon, mga Kapanalig, nawa’y maging higit na mapagbantay at may pakialam tayo sa mga desisyon at gawain ng pamahalaan. Alamin natin mula sa ating mga congressman kung anu-anong proyekto ang nakatalagang isagawa sa ating distrito, at kilatisin natin kung talaga ngang kapakipakinabang ang mga ito. Bantayan nating mabuti ang pinupuntahan ng ibinabayad nating buwis.
Sumainyo ang katotohanan.