406 total views
Mga Kapanalig, anu-ano ang mga batayan mo sa pagpili ng mga iboboto mo sa Mayo 13?
Sa 2019, pipili na naman tayo ng mga kandidatong sa tingin natin ay karapat-dapat makuha ang ating boto. Noong isang linggo, dumagsa sa Commission on Elections o COMELEC upang mag-file ng kani-kanilang certificates of candidacy ang mga nais maging lingkod-bayan. Higit sa 18,000 na posisyon ang mababakante at pupunuin sa nasyonal at lokal na pamahalaan sa darating na mid-term election: 12 senador, mahigit 200 kongresista (kabilang ang 59 na party-list representatives), 81 na gobernador at bise-gobernador (kasama ang mga provincial board members), libu-libong alkalde, bise-alkalde, at mga konsehal.
Sa mga tatakbo, may mga apelyidong pamilyar sa ating pandinig—mga anak o asawa ng mga pulitikong mula sa kilaláng angkan, mga nagbabalik-pulitika matapos ang pamamahinga, at mga nakatapos na sa kanilang termino ngunit nais pa rin daw maglingkod sa mas mababa o mas mataas na katungkulan. May mga bagong pangalan din—mga naging sikát dahil nasangkot sa mga kontrobersiya, mga naging kaalyado o kalaban ng kasalukuyang administrasyon, at mga bagong salta sa mundo ng pulitika. Lahat sila, nangangakong maglilingkod sa bayan. Sa Pebrero pa ang itinakdang panahon ng COMELEC para sa pangangampanya ng mga tumatakbong senador at party-list groups, at sa Marso naman para sa mga kandidato sa lokal na posisyon. Ngunit ngayon pa lang, nag-uumpisa nang manligaw ang mga kandidato para makuha ang matamis nating “oo” gamit ang ating balota.
Mga Kapanalig, tungkulin natin bilang mga responsableng mamamayan at mga mananampalataya na kilatisin ang mga taong nais na pamunuan ang ating bayan. Ayon nga kay Pope Francis sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, laging kaakibat ng tunay na pananampalataya ang pagnanais na baguhin ang mundo, na ipasa ang ating mga pinahahalagahan o values sa susunod na henerasyon, at na lumisan sa mundong mas mabuti ang kalagayan kaysa noong dumating tayo rito. At kung tungkulin ng pulitikang ilagay sa ayos ang ating lipunan, hindi maaring manatili lamang sa tabi ang Simbahan sa pagsusulong ng katarungan. Samakatuwid, tungkulin natin bilang mga mananampalataya na makibahagi sa pulitika, na kumilos upang mapabuti ang kalagayan ng mundo, at na magtatag ng lipunang makatarungan. Mag-uumpisa ito sa mga pangalang pipiliin natin sa ating balota.
Hindi nag-eendorso ng mga kandidato ang Simbahan. Bagkus, hinihikayat ng Simbahan ang mga mananampalatayang gamitin ang kanilang sariling pagpapasya at konsiyensya sa pagboto. Gayunman, hangad ng Simbahang sa ating pagpili ng mga pinuno natin na gamitin nating gabay ang Ebanghelyo at ang mga turo ng Simbahan.
May apat na prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan na maaring makatulong sa ating pagpapasya: ang dignidad ng tao o human dignity, ang kabutihan ng lahat o common good, subsidiarity, at pagkakaisa o solidarity. Sa pagsusuri sa mga kandidato, maaari nating tanungin:
- Naniniwala ba siya sa kahalagahan ng dignidad ng tao, anuman ang kanyang kasarian, paniniwala, o estado sa buhay?
- Uunahin ba niya ang kabutihan ng lahat sa halip na ang pansariling interes o ang interes ng iilan?
- Pakikinggan kaya niya ang kanyang mga pinaglilingkuran at igagalang ang kanilang kakayahang tugunan ang kanilang mga pangangailangan?
- Magsusulong ba siya ng mga panukalang batas o programang patatatagin ang ating pagkakaisa at bubuwag sa mga sanhi ng pagsasantabi sa iba?
Mga Kapanalig, ngayon pa lang, gamitin nating panimulang batayan ang mga prinsipyong ito sa pagkilala at pagkilatis sa mga kandidato. Huwag tayong magpapadala sa kanilang pagiging sikát o malapít sa mga nasa poder. Suriin natin ang kanilang agenda, track record, at mga paninindigan. Sa pamamagitan ng matalinong pagboto, magagawa nating mabago ang ating lipunan, ang ating mundo, para sa kabutihan ng lahat.