300 total views
Nagpasalamat ang Caritas Manila sa mga nakiisa sa isinagawang Celebrity Bazaar sa SM Megamall noong ika – 18 ng Oktubre.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas, malaki ang maitutulong ng nasabing gawain para sa mga estudyanteng tinutulungan ng organisasyong makapagtapos sa pag-aaral.
“Yung maitinda natin ay itutulong natin sa ating Caritas YSLEP Scholarship program upang makapagtapos sa pag-aaral.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Unang pinasalamatan ng Pari ang mga Celebrities sa pangunguna ni Heart Evangelista – Escudero ang brand ambassador ngayong taon, na nagbigay ng donasyong gamit tulad ng bag, sapatos, at mga damit dahil sa kanilang pagtulong-tulong upang maisakatuparan ang ikalawang edisyon ng celebrity bazaar.
Bukod dito ay pinasalamatan din ni Fr. Pascual ang pamunuan ng SM Supermalls sa pangunguna ni Steven Tan ang Chief Operating Officer ng SM Supermalls dahil sa libreng pagpagamit sa SM Megamall Atrium na pinagdausan ng bazaar.
Batay sa tala ng pamunuan Caritas Segunda Mana umabot sa 2 milyong piso ang kinita ng bazaar na malaking halaga na makatutulong sa mga kabataang scholar ng YSLEP.
Ang scholarship program na ito ay isa lamang sa mga programa ng Caritas Manila na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan bilang Simbahang kumikilos sa pagtataguyod ng buhay ng bawat mananampalataya.
Tiniyak din nito ang patuloy na pagsusulong ng mga programang makatutulong partikular sa mga maliliit na sektor sa Pilipinas.
Ang celebrity bazaar ng Caritas Segunda Mana ay isinasagawa kada dalawang taon kung saan nagsimula ito noong 2016 at itinanghal na brand ambassador si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Read: Caritas Manila, umaapela ng suporta para sa Celebrity Bazaar