44,186 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pangulo at tagapagtatag ng Bahay ng Diyos Foundation, Inc. (BDF) dahil sa natatanging gawain nito sa lokal na simbahan sa Pilipinas.
Ayon kay Lipa Archbishop Gilbert Garcera pararangalan CBCP ng Bishop Jorge Barlin Golden Cross Award si BDF Founder at President Gng. Noemi Saludo na isang testamento ng kanyang patuloy na suporta sa gawaing pagmimisyon lalo na sa pagtatayo ng mga simbahan sa bansa.
Sinabi ng arsobispo na ang pagsisikap ni Saludo na tumulong sa mga simbahan ay malaking tulong sa paglago at pagtatag ng pananampalataya ng mamamayan lalo na sa mga bahay dalanginan kung saan nagbubuklod ang kristiyanong pamayanan.
“Your vision and leadership in establishing a foundation dedicated to serving the spiritual and material needs of our community truly embody the spirit of Christian charity and selfless devotion,” ayon sa mensahe ni Archbishop Garcera.
Binigyang diin ni Archbishop Garcera na ang mga halimbawa ni Saludo at ng BDF ay sumasalamin sa tunay na gawain ng isang alagad na nagbibigay inspirasyon sa kristiyanong pamayanan.
Sinabi rin ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ang paggawad ng parangal kay Saludo ay pasasalamat din sa kanyang patuloy na gawaing pakikipagtulungan sa mga pari, obispo at pastoral leaders sa bansa para sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga simbahan.
“In honoring her today, we pay tribute not only to a woman of competence and integrity but also to one whose quiet but enduring commitment has helped build the physical and spiritual foundations of countless Catholic communities throughout the Philippines,” ayon kay Cardinal David.
Ang BDF ay non-profit organization sa Pilipinas na pangunahing misyong tumulong sa pagsasaayos at pagpapaganda ng mga simbahan at iba pang liturgical spaces sa bansa.
Noong 2022 si Saludo ay ginawaran din ng Pro Ecclessia et Pontifice Award ng Archdiocese of Lipa dahil sa kanyang paglilingkod sa simbahan.
Isasagawa ang paggawad ng Bishop Jorge Barlin Golden Cross Award kay Saludo sa July 1, 2025 sa St. Joseph Cathedral Shrine sa Tagbilaran City, Bohol sa unang araw ng CBCP Holy Retreat and National Synodal Consultations.
Ang Bishop Jorge Barlin Cross Award ay ipinangalan ng CBCP sa kauna-unahang paring Pilipino na itinalagang obispo at iginagawad sa mga layko at lingkod ng simbahang may natatanging gawaing ginampanan sa buhay at misyon ng simbahang katolika sa Pilipinas.
Ilan sa mga tumanggap nito sina Atty. Sabino Padila, Jr.; Fr. James Reuter, SJ; Fr. Anscar Chupungco, OSB; Atty. Mariua Concepcion Noche; at, Fr. Sebastiano D’Ambra, PIME.