46,318 total views
Muling inaanyayahan ng humanitarian, development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na suportahan ang isasagawang benefit concert bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Alay Kapwa.
Ito ang “Pagdiriwang ng Pag-asa: The Alay Kapwa 50th Anniversary Benefit Concert” na inihahandog ng Caritas Philippines, na gaganapin sa July 8, 2025, Martes, alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tampok sa gawain bilang main performers ang OPM band na Ben&Ben, na ang mga vocalist na sina Paolo at Miguel Benjamin Guico ay una nang pinili bilang bagong mission advocates ng Alay Kapwa.
Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, malaking tulong ang presensya ng Ben&Ben upang makahikayat ng mas maraming tagasuporta, lalo na mula sa mga kabataan, para sa adhikain ng Alay Kapwa.
“Pinagpala kami ng Diyos. It is a gift from God — itong Ben&Ben — na sila ang aming magiging main performers. Because of that sila ‘yung aming napili at nag-agree naman sila na maging ambassadors ng Alay–Kapwa… wala silang hinihingi kundi ang dasal lang ng ating simbahan para sa kanila,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas.
Ang Ben&Ben din ang napiling umawit ng official themesong para sa ika-50 anibersaryo na pinamagatang “Sa Kapwa Ko ay Alay,” na isinulat ni Robert Labayen at nilapatan ng musika ni Jonathan Manalo.
Kabilang din sa mga inaasahang performers at panauhin sa benefit concert sina Ms. Charo Santos, Jolina Magdangal, Melai Cantiveros-Francisco, Barbie Forteza, Gabbi Garcia, Erik Santos, at iba pang personalidad at grupo.
Nagkakahalaga ang concert tickets ng P150 para sa General Admission; P200 sa Upper Box B; P500 sa Upper Box A; P700 sa Lower Box; P1,500 sa Patron; at P5,000 sa SVIP.
Sa mga nagnanais bumili ng concert tickets, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Caritas Philippines at Alay Kapwa para sa karagdagang detalye.