39,162 total views
Umaapela ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER ng katotohanan at pananagutan sa pamahalaan.
Ikinababahala ng EILER ang pag-aaral ng World Bank na 20-percent o katumbas ng 1.27-trilyong piso mula sa national budget ay napupunta sa katiwalian at corruption.
Panawagan ng EILER sa pamahalaan na ilabas ang katotohanan sa national budget at mga pondong ipinagkatiwala sa mga ahensiya ng pamahalaan upang makita ng taumbayan kung paano ginagamit ang kanilang buwis.
Binigyan diin ng grupo na mahalagang gumagana ang mga mekanismo ng accountability at transparency upang mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan na lumulustay sa kabangbayan tulad ng kinakaharap ni VP Sara Duterte na impeachment case.
“Mahalaga na gumagana ang mga mekanismo ng accountability at transparency upang mapanagot ang mga opisyal na naglulustay ng kaban ng bayan para sa pansariling interes pati na rin ang kanilang mga kasabwat. Kaya naman ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay nararapat na magpatuloy upang matukoy kung nagamit sa korapsyon ang confidential funds ng nasabing opisyal at matanggal sa pwesto kung ito ay mapatunayan.”
Ang 20% datos ay mula sa mga pag-aaral ng World Bank na katumbas ng 1.27-trilyong pisong halaga na napupunta sa korapsyon na ayon sa EILER ay dapat inilalaan sa batayang serbisyo para sa mga Pilipino.
Tinukoy ng EILER ang katiwalian sa pagpapatayo ng 750,000 economic housing unit sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas gayundin ang programang pangkalusugan ng mga mahihirap.
“Kung ang halagang ito ay magagamit sa serbisyo publiko, doble pa ito sa kabuuang out-of-pocket health expenditure ng lahat ng mga Pilipino na umaabot noong 2023 sa halagang 639 bilyong piso. Dahil sa mahal ng gastusin sa pagpapaospital at gamot, napipilitan ang mga naghihikahos na Pilipino na umapela ng tulong mula sa mga politiko na maaari nilang maabot (hal. Guarantee letters, cash assistance),” bahagi pa ng mensahe ng EILER.
Noon pang 2015 sa naging Papal Visit ni Pope Francis sa Pilipinas, umaapela ito sa mga politiko at mga lider ng pamahalaan na tuldukan na ang laganap na corruption sa bansa na naging sanhi ng dumaraming naghihikahos at nagugutom.