124,430 total views
Mga Kapanalig, “The truth shall set us free! Not AI, not fake news!” Ito ang pahayag ni House of Representatives spokesperson Princess Abante sa gitna ng viral na videos na ibinahagi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang Facebook page kamakailan.
Nag-share si Senador Bato ng videos ng dalawang estudyanteng nagpapahayag ng suporta kay VP Sara Duterte sa kinakaharap niyang impeachment case. Sinabi ng isang bata na tutol siya sa impeachment case dahil “politically motivated” daw ito. Sumang-ayon naman ang isa pang bata. Marami raw sa gobyerno ang may confidential funds pero “singled out” daw ang bise presidente. Sa caption ni Senador Bato, sinabi niyang mabuti pa raw ang mga bata, nakakaintindi. Nanawagan siya sa mga “yellow” at “komunista” na pakinggan ang mga bata sa video.
Ang problema, hindi naman totoong mga tao ang nasa mga video. Nadiskubreng AI-generated ang mga ito. Artificial intelligence lamang ang gumawa. Hindi totoo. Ibig sabihin, na-fake news si Senador Bato! Nagpakalat ang senador ng mga video ng mga hindi totoong tao.
Sa kabila ng pambabatikos ng mga netizens, pinanindigan ni Senator Bato ang kanyang post. Aniya, hindi raw mahalaga ang messenger o ang nagsasalita; ang mahalaga raw ay ang mensaheng ipinarating. Sa madaling salita, wala siyang pakialam kahit peke ang video basta pabor sa kanya ang sinasabi.
Para kay House prosecution panel spokeperson Atty. Antonio Bucoy, kung peke ang source, paano pa pagtitiwalaan ang mensahe. “If the source is polluted, then the message is polluted. So, pure propaganda,” sabi ng abogado. Para naman kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, nakakawalang-tiwala kung mismong sa mataas na opisyal ng pamahaalan nanggagaling ang fake news. Binigyang-diin ni Usec Castro na responsable ang mga opisyal ng pamahalaan sa mga ipino-post nila online. Dagdag pa niya, bilang mga lider ng bayan, ang mga binibitawan nilang salita ay maaaring maging totoo para sa taumbayan.
Gaya ng inaasahan, sinuportahan ang senador ni VP Sara. Para kay VP Sara, hindi masamang mag-post ng AI-generated videos na nagpapahayag ng suporta sa kanya. Hindi naman daw ito pinagkakakitaan o ginagawang negosyo.
Sabi sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Tama si House spokeperson Abante: not AI, not fake news. Kung nasa panig ng katotohanan sina VP Sara at mga kaalyado niya gaya ni Senador Bato, bakit kailangan nilang magpakalat ng AI-generated na video para kuwestuyinin ang impeachment case? Hindi ba’t sa pamamagitan ng impeachment, malalaman natin kung saan napunta ang confidential funds? Hindi ba’t ito ang pagkakataon ni VP Sara na ipaliwanag ang kanyang panig? Katotohanan ang magpapalaya sa bayan, at ito ang sama-sama nating tutuklasin sa proseso ng impeachment.
Bilang mga Kristiyano, tungkulin nating hanapin at panindigan ang katotohanan. Hamon ito sa ating mga mananampalataya—ang magpatotoo sa katotohanan. Bago pumanaw si Pope Francis, binigyan pa niya tayo ng babala sa paggamit ng AI at pagpapakalat ng fake news. Magagamit daw ito para manipulahin ang ating isipan. Para sa yumaong Santo Papa, nagdudulot ang fake news ng mga pekeng realidad, pagdududa, at pagkasira ng tiwala sa isa’t isa. Sinisira nito ang katatagan ng mga bansa at komunidad.
Kaya naman, nakababahalang hindi nakikita ni Senador Bato na mali ang pagbabahagi ng AI-generated videos. Walang katanggap-tangap na katwiran sa pagpapakalat ng video na may mga pekeng tao. Negosyo man o hindi, ito ay tahasang panloloko sa ating kapwa.
Mga Kapanalig, maging mapanuri tayo sa mga videos na napapanuod natin online. Mula man ang mga ito sa ating kapamilya, kaibigan, o opisyal ng pamahalaan, tungkulin nating siguruhing totoo ang napapanuod at ibinahabagi natin online. Gawin nating viral ang katotohanan, hindi ang fake news!
Sumainyo ang katotohanan.