29,365 total views
Nadismaya ang Church People – Workers Solidarity National Capital Region (CWS-NCR) sa 50-pesos na wage hike sa mga manggagawang nasa Metro Manila.
Ayon CWS-NCR Chairman Father Noel Gatchalian, hindi makatao ang umento sa sahod para sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng mabilis na inflation.
“Welcome yan at least na-iincrease, pero hindi parin yan-malayo parin yan sa 1,200 pesos na living wage. kasi dinadahilan naman ng mga big companies na yung mga maliliit daw na enterprises ay baka mawalan sila ng mga trabaho, pero lagi nilang dinadahilan yan, pero sa totoo lang, yung mga big companies, ang lalaki ng kaltas, makikita mo yung mga production nila,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.
Sinabi ng Pari na ang 50-pesos na umento sa minimum wage ay pagpapakita ng kawalan habag sa mga manggagawa ang mga employer, opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Regional Tripartite Wage Productivity Board (RTWPB).
Patuloy naman ang apela ng Pari na magkaroon ng across the board legislated wage increase na tutugon sa paghihirap ng mga manggagawa sa mataas na arawang cost of living sa Metro Manila maging sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Pinuna naman ni Father Gatchalian ang katwiran ng mga employer na maaapektuhan ng legislated wage increase ang mga micro small and medium enterprises o MSME.
“Hindi nila itinuturing na tao ang bayan, ibig sabihin parang sila ay kagamitan lamang na pwede nilang patalsikin kung gusto nila, dapat ituring nila na partners yun, yung may karangalan din ang mga manggagawa kaya kahit na itinaas ng 50- pero kulang talaga yun, dapat bigyan nila ng karangalan ang mga manggagawa kasi malaki naman ang profit nila ibig sabihin, kumikita sila, malaki ang kita nila,” ayon pa sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.
Ipapatupad ang wage increase sa July 18, 2025 sa NCR kung saan magiging minimum wage ay 695-pesos sa mga non-agricultural workers at 658-pesos naman sa mga agricultural workers.