41,213 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na dumulog sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus na nagpapatawad at nagpapagaling.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa pagdiriwang ng banal na misa sa National Shrine of the Sacred Heart sa Makati City sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Binigyang diin ni Cardinal Advincula na ang puso ni Hesus ay tigib sa pagmamahal sa sangkatauhan kung saan nakahandang tanggapin at hanapin ang mga naliligaw ng landas bunsod ng mga kahinaang taglay ng tao. Gayundin ang mga pinanghihinaan at nakararanas ng mga karamdamang nagpapahina sa pananampalataya at nagdudulot ng kawalang pag-asa.
“This is the very heart of our devotion, the Sacred Heart does not wait passively but seeks us out especially when we feel lost or unworthy. The Sacred Heart is a heart that heals and restores,” ayon kay Cardinal Advincula.
Hamon ng cardinal sa mananampalataya na suriin ang ugnayan sa Panginoon kung nakatutugon sa tawag ng pagsunod sa misyon tulad ng matapat at buong kababaang loob na pagsunod ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos.
Paliwanag ng arsobispo na ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria ay magkakaugnay sapagkat ang puso ng Mahal na Ina ay puspos ng walang hanggang pagmamahal sa kanyang anak gayundin ang
pagpapadama ng habag at awa. “Let us not only admire the Sacred Heart, let us enter into it.
Let His love transform us so that we too may become hearts that seek, heal, and save,” ani Cardinal Advincula. Sa panayam naman kay Shrine Team Ministry Member at Radyo Veritas President Fr. Roy Bellen hinimok nito ang mga deboto na mas palalimin ang debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus lalo ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang Jubilee Year of Hope.
Inaanyayahan ng pari ang mamamayan na bumisita sa pambansang dambana at tamasahin ang plenary indulgence na ipinagkaloob ng simbahan ngayong taon ng hubileyo. Ang dambana ay itinalaga ng Archdiocese of Manila bilang Jubilee Church for Business Owners and Entrepreneurs bilang ang simbahan ay nasa business district ng Makati City.
Kasabay ng kapistahan ay pinangunahan din ni Cardinal Advincula kasama sina Fr. Bellen, Shrine Rector at Team Ministry Moderator Fr. Roderick Castro at iba pang mga pari ang groundbreaking ceremony sa itatayong Saint Margaret Mary Alacoque building na bahagi ng pagpapaigting sa misyong paglingkuran ang nasasakupang kawan gayundin ang mga perigrinong bumibisita sa dambana.



