384 total views
Mga Kapanalig, heto na naman si Pangulong Duterte sa pag-red-tag sa mga party-list groups. Noong isang linggo, nagbabala siya sa mga botanteng huwag iboboto ang mga grupong sumusuporta raw sa mga komunistang rebelde na ang tanging layunin lang daw ay kalabanin at buwagin ang gobyerno.
Binansagan niyang KABAG ang mga party-list groups na ito: “K” para sa Kabataan Party-list, “A” para sa Anakpawis, “B” para sa Bayan Muna, “A” para sa Alliance of Concerned Teachers, at “G” para sa Gabriela. Inakusahan niya ang mga itong legal fronts ng Communist Party of the Philippines (o CPP) at ng New People’s Army (o NPA). Ginagamit lamang daw nila ang kanilang puwesto sa Kongreso at ang pondong nakukuha nila upang ibigay sa mga rebelde. Katulad ng ibang nasa pamahalaang mahilig iugnay ang mga progresibong grupo sa CPP-NPA, walang pruwebang ipinakita si Pangulong Duterte upang patunayan ang kanyang paratang.
Itinatakda sa ating Saligang Batas ang pagboto ng mga party-list groups upang bigyan ang isinasantabing mga sektor ng pagkakataong magkaroon ng kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Sa ilalim ng Republic Act No. 7941, kailangang makakuha ang isang party-list group ng 2% ng lahat ng boto sa party-list elections upang makakuha ng upuan sa Kongreso. Kung babalikan natin ang grupong KABAG na sinasabi ni Pangulong Duterte, malinaw ang mga kinakatawan nilang mga sektor: mga kabataan, manggagawa, magsasaka, guro, at kababaihan. Ang mga panukalang batas na isinulong nila ay para sa kapakanan ng mga kinakatawan nilang sektor: dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral, sapat na sahod para sa mga manggagawa, sariling lupa para sa mga magsasaka, maayos na benepisyo para sa mga guro, at proteksyon para sa mga babae at kanilang mga anak.
Sasang-ayon pa siguro tayo kay Pangulong Duterte kung sinabi niyang huwag iboboto ang mga party-list groups na hindi naman kumakatawan sa mga tinatawag na marginalized and underrepresented sectors. At mas marami ang mga ito kaysa sa mga tunay na nagsusulong ng interes ng mga nasa laylayan ng ating lipunan. Ayon nga sa grupong Kontra Daya, mayorya sa 177 na party-list groups na tumatakbo sa halalan ngayong taon ay konektado sa makapangyarihang mga indibidwal at grupo. Sa bilang nila, 120 na party-list groups o 67% ng nasa balota ay may kaugnayan sa mga pulitiko at political clans, malalaking negosyo, o mga opisina ng gobyerno o ng militar. May ilan ding binuo sa tulong ng mga indibidwal na may nakabinbing kaso sa korte, may kinakaharap na kaso, o may kaduda-dudang adbokasiya. Sabi nga ng Kontra Daya, na-hijack o inagaw na ng mga makapangyarihan ang party-list system na nakalaan dapat sa mga walang boses sa pamahalaan.
Bagamat hindi perpekto, ang demokratikong sistema ng pamamahala ay pinahahalagahan ng Santa Iglesia dahil tinitiyak nito ang pakikilahok ng mamamayan sa pagpili ng mamumuno sa kanila, pagpapanagot sa kanila, at pagpapalit sa kanila sa pamamagitan ng mapayapang paraan ng pagboto. Isa sa mga pamantayang dapat hinahanap sa isang demokratong pamamahala ay kung tunay nitong isinusulong ang kabutihang panlahat o ang tinatawag nating common good. Ang party-list system, kung magiging tapat lamang tayo sa layunin nito, ay isang mabuting paraan upang maitaguyod ang common good sa ating bansa. Ngunit kung kontrolado na ito ng mga makapangyarihan at ginagamit na ito para sa makikitid nilang interes, hindi ba tayo rin ang sumira sa magandang layunin ng pagpili ng mga party-list groups?
Mga Kapanalig, bilang “asin ng sangkatauhan” at “ilaw ng sanlibutan”, wika nga sa Mateo 5:13-14, kasama sa pananagutan natin sa pagpapatibay ng ating demokrasya at pagtataguyod ng kapakanan ng ating bayan ang pagpili ng tama ngayong eleksyon. Gawin din natin ito para sa mga pipiliin nating party-list groups.






