163 total views
Mga Kapanalig, madalas ipagmalaki ng maraming kababayan natin ang ating pagiging isa raw sa pinakamasasayang lahi sa buong mundo. Taas-noo rin tayo kapag may mga Pilipinong artista o singer na nakikilala sa ibang bansa o kapag may naiuuwing korona ang ating mga kandidata sa mga beauty contests. Kahit nga ang mapasama ang mga pagkain natin sa listahan ng mga pinakamasasarap o ang mga lugar na pasok sa listahan ng mga may pinakamagagandang tanawin ay napapa-“Pinoy pride” na agad ang marami sa atin.
Ngunit may isang listahang tiyak na hindi ikatutuwa ng marami ngunit dapat magpaalarma sa ating lahat, lalo na sa mga nasa gobyerno.
Sa isang report na inilabas ng World Bank, ang Pilipinas ang may pinakamataas na learning poverty rate sa East Asia and Pacific region. Tumutukoy ang learning poverty sa kawalan ng kakayahang magbasa at umunawa ng maigsing teksto pagsapit ng edad na sampung taon. Ibig sabihin, halimbawa, ang isang batang edad sampu ay dapat na nauunawaan na ang binabasa niyang para sa edad niya. Sa pamantayan ng World Bank, lahat ng bata ay dapat marunong nang magbasa pagsapit nila sa sampung taong gulang ngunit sa tantya ng bangko, aabot sa 91% ng mga batang Pilipino sa tinatawag na late primary age ay hindi nakakapagbasa at hindi naiintindihan ang kanilang binabasa. Pinalalalâ ang problemang ito ng maraming out-of-school children—nasa 5% ng mga batang dapat pumapasok sa eskuwelahan ang hindi naka-enroll. Mas maraming batang lalaki kaysa sa mga batang babae ang hindi nakakapag-aral.
Malaking balakid sa pagkatuto ng mga bata ang hindi makapagbasa. Ngunit problema rin kung nakakapagbasa nga ang mga bata pero hindi naman nila naiintindihan ang kanilang binabasa. Umabot tayo sa ganitong kalagayan dahil na rin sa dalawang taong pagsasara ng mga paaralan at pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng online classes o ng mga modules. Mababago kaya ito sa muling pagbabalik ng face-to-face classes? Maaring hindi.
Marami at malalim ang ugat ng matuturing na krisis sa edukasyon. Isa na rito ang underinvestment ng pamahalaan sa edukasyon. Ayon muli sa World Bank, ang inilalaan ng ating gobyerno sa pag-aaral ng bawat batang nasa tinatawag na primary education age ay umaabot lamang sa $569 (o wala pang ₱32,000), malayung-malayo sa pondong inilalaan ng ibang bansa para sa kanilang kabataan. Kaya maliban sa muling pagbabalik-eskwela ng mga bata, iminungkahi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na magkaroon ng remedial classes upang mabawi ng mga bata ang dalawang taong tila ba nawala sa kanila.
Laging sinasabi ng mga magulang na edukasyon ang pinakamahalagang maipamamana nila sa kanilang mga anak. Sabi nga sa Mga Kawikaan 16:16, “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.” Ngunit sa maagang edad pa lang, maraming kabataang Pilipino ang napagkakaitan ng edukasyong magagamit nila sa pagkamit ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa kanilang sarili at pamilya kundi para sa bayan.
Malaki ang nakaatang sa pamahalaan upang makamit ng mga batang Pilipino ang aayos na edukasyon. Kaya naman, katulad nga ng sinabi ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Evangelii Gaudium, magkaroon nawa tayo ng mga pinunong tunay na nababagabag sa kalagayan ng ating lipunan at ng mga mamamayan, kabilang ang mga bata. Kumilos sana sila upang tiyaking ang lahat ng mamamayan ay may maayos na edukasyon simula sa murang edad pa lamang.
Mga Kapanalig, sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa kalusugan, dapat pa ring gawing prayoridad ng lahat, lalo na ng pamahalaan, ang edukasyon. Huwag nating hayaang umabot tayo sa pagiging isang bayang binubuo ng mga mamamayang hindi marunong magbasa at hindi marunong mag-isip.