249 total views
Kapanalig, ang development o kaunlaran sa Asya ay kahanga-hanga. Ang development na ito ay nagtulak hindi lamang ng pagyabong ng mga indsutriya at ekonomiya sa rehiyon. Napawi din nito ang kahirapan ng maraming mga pamilya.
Ayon sa datos ng Asian Development Bank (ADB), ang Asya ngayon ay tahanan na ng mahigit pa sa kalahati ng mga megacities sa buong mundo. Ang mga megacities, kapanalig, ay may higit pa sa sampung milyong residente. Tinataya na pagdating ng 2025, ang Asya ay magiging kanlungan na ng 21 ng 37 megacities ng buong mundo.
Hindi matatatwa na maraming biyayang dala ang mabilis na urbanisasyon at pagsulong ng maraming syudad sa Asya. Kaya nga lamang marami rin itong naging kapalit.
Una dito kapanalig, ay ang mabilis na pagtaas ng populasyon sa mga urban areas, gaya ng Metro Manila. Ang pagtaas ng populasyon na ito ay nagdulot ng pagdami at paglaki ng mga informal settlements, na may malaking implikasyon hindi lamang sa espasyo, kundi sa sanitasyon, congestion, at pampublikong kalusugan. Ang dami at sikip na ito ay nagdudulot ng pagbabanat at pag-aagawan sa limitadong resources. Makikita ito sa traffic na ating nararamdaman, sa hirap maka-access ng pampublikong transportasyon, at sa problema ng water supply sa maraming mga informal settlements.
Nababawasan na rin ang mga berde at luntiang lugar sa ating mga syudad at sa halip, napalitan na sila ng mga nagtataasang gusali at ng mga kalye. Nabarahan na rin ng mga subdibisyon at pabahay ang mga dating natural na daluyan ng tubig, kaya’t napakabilis na magbaha sa maraming lugar sa mga syudad.
Kapanalig, hindi naman kailangan tuluyang masira ang kapaligiran sa ngalan ng kaunlaran. Ang maayos na urban development plan ay sinasa-alang-alang ang sustainability ng kapaligiran, hindi lamang kita o profits. Sa ngayon, mahalagang isyu ang mabilis na urbanisasyon, hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong Asya. Labing isa na sa 20 pinaka-polluted na syudad sa mundo ay nasa Asya, at ayon sa ADB, malaki ang kontribusyon ng polusyon na ito sa tinatayang kalahating milyong premature deaths ng mga Asyano kada taon.
Nagpa-alala si Saint John Paul II noong 1990 sa kanyang World Day of Peace Message. Sana ay ating pakinggan ang kanyang pahayag: “Hindi nararapat na pakialaman natin ang kapaligiran ng hindi sina-alang-alang ang magiging epekto nito. Sa huli, kahit pa ang lahat ng pakiki-alam sa kapaligiran ay sa ngalan ng kaunlaran, tayo pa rin ang dehado. Kailangan natin matutunan ang responsibilidad sa sarili, sa kapwa, at sa mundo.”