69,413 total views
Alam niyo, kapanalig, pagdating sa biodiversity, bida ang Pilipinas. Napaka yaman ng ating bansa sa mga natural resources. Tahanan ang ating humigit kumulang 7,100 na pulo ng mga libo-libong uri ng halaman at hayop na dito lamang matatagpuan. Tinatayang mahigit pa sa 52,177 species ang naninirahan sa ating bansa, at higit pa sa kalahati nito ay dito lamang makikita.
Kaya lamang kapanalig, kulang tayo sa kaalaman at kapasidad na alagaan ang mga species na ito. Nasa panganib ang ating mga halaman at hayop dahil sa iba’t ibang banta tulad ng deforestation, illegal logging, pagmimina, polusyon, at pagbabago ng klima.
Ang biodiversity ay mahalaga hindi lamang sa ekolohiya, kundi pati na rin sa kabuhayan ng Pilipino. Ang laki ng kontribusyon nito sa ecotourism, sa fishing industry, at sa agrikultura. Malaki rin ang ambag nito sa kalusugan ng mga Pilipino. Ang mga kagubatan, halimbawa, ay nagbibigay ng malinis na hangin, tubig, at nagsisilbing tahanan ng mga hayop. Ang mga coral reefs at bakawan ay proteksyon natin sa bagyo at daluyong. Nagiging nursery rin sila ng mga isda. Marami ring mga uri ng halaman ang ginagamit nating gamot ngayon gaya ng lagundi, oregano, at sambong.
Sa kabila ng mga benepisyo na ito, ang biodiversity ng Pilipinas ay nanganganib. Ang walang habas na pag-gamit ng ating natural resources, pagkakaingin, at pagputol ng puno ay sumisira na sa mga natural na tahanan ng mga halaman at hayop. Ang ating mga kagubatan, na dati’y malawak at puno ng buhay, ay unti-unti ng nawawala, kasama na ang iba ibang species na sa bayan lamang nating makikita. Ang polusyon mula sa mga kemikal, plastic, at iba pang basura sa ating mga katawang tubig ay pumapatay na ng mga iba iba ring species sa ating mga ilog, lawa, at karagatan.
Isa pang malaking banta sa ating biodiversity ay ang climate change. Ang pag-init ng mundo ay nagtataas ng temperatura sa karagatan, na nagdudulot ng coral bleaching, at pagkamatay ng coral reefs. Ang pagtaas din ng lebel ng tubig ay nagiging sanhi rin ng pagkawala ng mga bakawan, kasama ng iba pang species na naninirahan doon.
Kapanalig, protecting our biodiversity is protecting not just the lives of flora and fauna, but our lives as well. Ang buhay natin ay konektado sa ating kapaligiran. Kasama tayo sa ecosystem ng ating kalikasan.
Upang maprotektahan ang ating biodiversity, kinakailangan ng malawakan at sama-samang pagkilos. Inaasahan natin na manguna ang pamahalaan dito, lalo pa’t may batas naman, gaya ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation Act na layunin na alagaan ang mga iba ibang species at ang kanilang tahanan. Kailangan din nila bigyan pa ng ipin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa illegal logging, mining, at iba pang gawain na sumisira sa kalikasan. Hindi rin natin dapat kalimutan na tayo, mga mamamayan, ay may papel din sa pangangalaga ng kalikasan. Paalala nga ng Sollicitudo Rei Socialis: “One cannot use with impunity the different categories of beings, whether living or inanimate, animals, plants, the natural elements simply as one wishes, according to one’s own economic needs… Using them as if they were inexhaustible, with absolute dominion, seriously endangers their availability not only for the present generation but above all for generations to come.
Sumainyo ang Katotohanan.