105,070 total views
Mga Kapanalig, katatapos lang ng midterm national and local elections pero may pang isang halalan sa taóng ito. Isasagawa sa Disyembre ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (o BSKE). Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 11132, boboto tayo ng mga opsiyal ng ating barangay sa unang araw ng Disyembre 2025.
May panukalang batas na gustong ilipat sa Oktubre 2026 ang BSKE. Masyado raw kasing maikli ang termino ng mga kasalukuyang opisyal. Matatandaang ilang beses nang na-postpone ang mga nakaraang BSKE, hanggang noong 2023, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsabing ang pagpapaliban ng halalan ay unconstitutional.
Kaya para sa COMELEC, hanggat walang batas na maglilipat ng petsa ng BSKE, tuloy ang mga paghahanda at gawain para sa BSKE. Mag-uumpisa ang filing of application for registration ng mga bagong botante sa Hulyo 1 at matatapos ito sa Hulyo 11; filing of candidacy naman ng mga tatakbo mula Oktubre 1 hanggang 7; at campaign period mula Nobyembre 20 hanggang 29.
Wala nang isang buwan bago mag-umpisa ang registration. Ang labing-isang araw sa Hulyo ay para sa mga bagong botante, transferees, at mag-a-apply ng reactivation o correction ng kanilang records. Panawagan ng COMELEC, maikli ang panahong ito kaya sana raw ay huwag nang magpa-late ang mga magrerehistro o mag-aayos kanilang records. Paalala rin ng COMELEC sa mga kabataang edad 15 hanggang 17 sa araw ng eleksyon, pwede na silang magparehistro. Mga kabataan, huwag ninyong sayangin ang inyong boto!
Manual o mano-mano ang pagboto at pagbibilang ng boto sa darating na BSKE. Gaya sa mga dating BSKE, mas mataas ang voters’ turnout at interes ng mga tao sa barangay dahil halos magkakamag-anak at magkakapitbahay ang magkakatapatan. Ang barangay din ang pinakamaliit na yunit ng gobyerno kaya ito ang na pinakamalapit sa mga mamamayan at pinakadamá nila.
Isa sa mga prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan na dapat nating makita at maisabuhay sa barangay ay ang prinsipyo ng subsidiarity. Bagamat bahagi ito ng pamahalaan, ang barangay ay nagsisilbing espasyo sa taumbayan para maging malaya sa anumang kontrol mula sa matataas at sa pasikut-sikot na burukrasya. Ibig sabihin, matatalakay at matutugunan natin sa barangay ang mga problemang kinakaharap ng ating mga komunidad. Sa halip na maghintay ng mga direktiba o plano mula sa itaas, maaari tayong magsulong ng mga solusyon sa ating mga isyu mula mismo sa ibaba.
Pero hindi ito mangyayari kung hindi tayo makikilahok. Paalala nga ng ating katesismo, “Participation is a duty to be fulfilled consciously by all, with responsibility and with a view to the common good.” Tungkulin ng bawat mamamayan ang sumali sa mga gawain sa ating mga komunidad, kabilang ang barangay. Responsabilidad ito ng isang mabuting Kristiyano na nais isulong ang kabutihang panlahat o common good. Kung aktibo tayong nakikilahok sa barangay, direkta tayong nakapag-aambag sa pag-unlad ng ating mga komunidad.
Mag-uumpisa ang pakikilahok na ito sa darating na BSKE. Habang maaga, hikayatin na natin ang mga kabataan at matatandang hindi rehistrado na magparehistro. Talakayin na natin ang mga kagyat na problemang nais nating hanapan ng solusyon. Ihain na natin ang mga nais nating solusyon sa mga nag-iisip tumakbo upang maisama ang mga ito sa mga bubuuin nilang plataporma. Kung kaya ninyo, pwede ring kayo ang tumakbong kapitan, kagawad, at miyembro ng SK.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Filipos 4:13, “Ang lahat ay magagawa [natin] sa pamamagitan ni Kristo na nagbibigay-lakas sa [atin].” Magagawa nating isulong ang pagbabago kung mag-uumpisa tayo sa ating mga barangay. Gamitin natin ang ating lakas na kaloob ng Diyos upang makamit ang kabutihang panlahat sa pamamagitan ng pakikilahok sa darating na halalan.
Sumainyo ang katotohanan.