14,246 total views
Isinusulong ng Church People – Workers Solidarity ang nakakabuhay na suweldo o family living wage para sa mga manggagawa sa buong Pilipinas.
Ito ang mensahe ni Fr.Noel Gatchalian CWS National Capital Region chairman matapos ang pagkapasa sa kongreso ng House Bill No. 11376 o ang Wage Hike for Minimum Wage Workers Act na dagdag na 200-pesos sa minimum wage ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Bagamat kinikilala ng pari ang hakbang ng mga mambabatas ay mahalaga paring makamit ang nag-iisang Family at National Minimum Wage upang makasabay ang suweldo ng mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
“Kinikilalala natin ito pero ang Living Wage ang pinakamahalaga kasi ang 1,200 yan ang hinahabol ng mga manggagawa but that’s really good thing na maipasa yun, sobra na ang inflation, sobra na ang taas ng presyo ng mga bilihin, it doesn’t correspond anymore sa minimum wage, kaya palagay ko atleast it is something but pinaglalaban padin ng mga manggagawa yung living wage na yung sahod na nakakabuhay na 1,200,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.
Ipinagdasal naman ng Pari na mabilis na maisabatas ang panukala upang maibsan ang mabigat na pasanin ng mga manggagawa.
Ipinagdarasal din ng Pari na maunawaan ng mga namumuno sa pamahalaan lalu na ang mga employer na kinakailangan na ang pagtaas sa sahod ng manggagawa.
“Kasi ang totoo niyan, hindi pa tayo mulat- tayong mga Pilipino sayang kung may ibig sabihin na marami parin sa ating mga kapwa Pilipino ang hindi nadadama ang kahirapan ng marami kaya’t sana ang panalangin ko ay hindi lang para inyo ang panalangin na ito ay para sa ating kapwa Pilipino na tayo’y magtulungan kaya Hindi naman nila kailangan ng marami, hindi naman nila kailangan ng luho, ang kailangan lang nila hustisya para sa mahihirap,” ayon pa sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.