20,769 total views
Nanawagan ang humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa makatarungan at malinaw na pagtalakay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang mahalagang yugtong ito ng kasaysayan ng demokrasya ng bansa ay dapat na nakaugat sa katotohanan, katarungan, at pagkalinga sa kapakanan ng nakararami—lalo na ng mga mahihirap at nasa laylayan.
Iginiit ni Bishop Bagaforo, na ang anumang hakbang patungong impeachment laban kay VP Duterte ay dapat isagawa nang may paggalang sa legal na proseso at malayo sa impluwensiya ng pulitika o pansariling interes.
“We call on our leaders to act with the highest sense of urgency. Let us be reminded that ‘Justice delayed is justice denied.’,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Dagdag pa ng obispo, bilang simbahang naglilingkod sa mga mahihirap at inaapi, mahalagang tiyaking ang anumang prosesong legal o pulitikal ay nakaugat sa katotohanan at hindi sa pansariling kapakanan.
“The ultimate goal must always be the concern for the welfare of the Filipino people—especially the poor, the marginalized, and those whose voices are often unheard,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Umaasa si Bishop Bagaforo na maging pagkakataon ito upang ipakita ng mga lider ng bansa ang katapangan, manindigan ang mga institusyon sa katarungan, at hilingin ng mamamayan ang pananagutang nakaugat sa malasakit at katotohanan.
“We call on everyone to remain vigilant, discerning, and united in prayer—that this chapter in our nation’s journey may lead us closer to genuine peace, good governance, and a more just society for all,” dagdag ng obispo.
Nanumpa nitong Lunes, Hunyo 9, si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court, habang inaasahan naman ngayong araw, Hunyo 10, na manunumpa rin ang mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial laban kay VP Duterte.