75,435 total views
Mga Kapanalig, hinahamon tayo ni St. Pope John Paul II na pairalin sa ating buhay ang mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan na preferential option for the poor (o pagkiling sa mga dukha) at solidarity (o pakikiisa). Ayon sa yumaong Santo Papa, may pananagutan tayo sa kung paano natin ginagamit ang anumang mayroon tayo para tumulong na tugunan ang mga pangangailangan ng ating kapwa. Pero ang pananagutang ito ay hindi lamang pang-indibidwal; para din ito sa buong lipunan.
Nagkukumahog ngayon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan dahil binubusisi na ngayon kung paano ginagamit ang kaban ng bayan. Ito ay matapos masiwalat ang malalang katiwalian sa mga flood-control projects. Ibinalita kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos na ibabalik sa PhilHealth ang 60 bilyong pisong excess funds nito na inilagay sa national treasury. May savings daw kasi ang Department of Public Works and Highways o DPWH. Kinansela na rin ni PBBM ang pagpopondo sa mga flood-control projects. Ilalaan na lamang ang pondong ito sa ibang ahensya.
Iminungkahi naman ni Senador Bam Aquino na ilipat sa sektor ng edukasyon ang kinanselang pondo ng DPWH. Tinaasan rin ng Kamara sa 22.5 bilyong piso mula sa 3.28 bilyon ang pondo ng Department of Education para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan. Umaasa rin ang Department of Health na madagdagan ang budget ng ahensya upang matugunan ang mga pangangailangan nito katulad ng mga karagdagang gusali at kagamitan, mga serbisyo katulad ng zero balance billing, at pagpapasahod sa mga kawani ng ahensya.
Sa isang banda, katanggap-tanggap ang reallocation ng pondo sa ilang ahensyang naghahatid ng mga batayang serbisyo. Ngunit sa kabilang banda, bakit ngayon lang nagkaroon ng ganitong aksyon o interes ang pamahalaan na bigyang-prayoridad ang mga ahensyang tumutugon sa mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan? Dahil ba nasiwalat at nabulgar na ang korapsyon sa mga maanomalyang flood-control projects?
Sana hindi. Kung susunod tayo sa nabanggit nating kaninang hamon ni St Pope John Paul II, nararapat na bigyan ng sapat na pondo ang mga programa o proyektong nakatuon sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga tao.
Ang paglalaan ng pondo para sa mga batayang programa ay nakatuon sa pag-aangat at pagpapabuti sa antas ng pamumuhay ng ating mga maralitang kababayan. Pangmatagalan at matibay na mga pampublikong programa ang dapat ipinatutupad. Hindi sapat ang mga ayuda ng pamahalaan; panandaliang tulong lang ang mga ito. Band-aid solution, ‘ika nga. Nagiging ugat pa ng korapsyon.
Dapat pondohan ng pamahalaan ang mga community development initiatives na nagpapaunlad sa kakayanan ng isang komunidad. Pondo rin ang kailangan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o 4Ps) na napatunayan nang nakatutulong sa mga kalahok na pamilya. Dagdagan din sana ang mga livelihood projects na nagbibigay-kabuhayan sa mga walang trabaho. Sustentuhan din sana ang mga gamot at medikal na serbisyo para maging abot-kaya sa mga pasyente. Paigtingin din ang mga nutrition at literacy projects para sa mga mag-aaral. Ilan lang ang mga ito sa mga maaaring ipatupad kung saan ang mga mahihirap ang makikinabang.
Sa kalagayan ngayon ng ating pambansang budget, mahalagang tumugon ang pamahalaan sa paalala sa Mga Kawikaan 28:27: “Ang tumutulong sa mahirap ay hindi magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.”
Mga Kapanalig, gabay natin at ng ating pamahalaan ang mga prinsipyo ng Catholic social teaching para mabigyan ng mas makataong pamumuhay ang mga mahihirap. Huwag tayong maging bulag sa paghihirap ng mga dukha. Kaya, bantayan natin ang ating pambansang pondo at tiyaking nagagamit ito nang wasto. Sa ganitong paraan, naisasabuhay natin ang ating Kristiyanong pananagutan at pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.




