473 total views
Tiniyak ng Caritas Manila ang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas ito ang layunin ng Caritas Margins, ang social enterprise ng Caritas Manila bilang pakikiisa sa panawagan ng Simbahang Katolika na tulungan ang mga mahihirap.
Itinatampok na mga produkto ng Caritas Margins ang higit sa isanlibong produkto na karamihan ay mga produktong pagkain na makabubuti sa kalusugan.
“Handang tulungan ng Caritas Margins na maitinda ang inyong produkto, matulungan sa product development, ngunit ang mga produkto ng Caritas Margins ay mga healthy food; healthy sa spirit, mind and body.” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual.
Binigyang diin ng pari na hindi sapat ang pagbibigay dole out lamang sa mga mahihirap kundi mas mahalagang matulungan sa pagkakaroon ng habambuhay ng pangkabuhayan upang tuluyang makalaya sa karukhaan.
Kumita ang Caritas Margins ng mahigit sa dalawang milyong piso sa katatapos na Expo ng Caritas Margins noong ika – 26 hanggang ika – 28 ng Setyembre sa Trinoma Mall.
Ayon kay Father Pascual, malaking halaga ito para makatutulong sa mga small and medium enterprise sa bansa na binubuo ng 90 porsiyento sa kabuuang bilang ng mga mamumuhunan.
Sa turo ng Simbahang Katolika, nararapat lamang na tulungan ang mga maliliit sa lipunan na maiangat ang estado sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng marangal na kabuhayan.






