685 total views
Manila, Philippines– Minaliit ng Catholic Educational Association of the Philippines o C-E-A-P ang panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na buwisan ang mga religious at non-profit institutions tulad ng mga Catholic schools sa bansa.
Ipinaunawa ni Jose Arellano, executive director ng C-E-A-P kay House Speaker Alvarez na protektado ng Saligang Batas ang mga non–stock, non-profit religious educations and institutions na hindi isama sa mga nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.
Iginiit ni Arellano na ang Catholic schools ng C-E-A-P ay nakakatulong ng malaki at naglilingkod sa mga kapuspalad sa pamamagitan ng pagsustento at pagpapaaral sa mga mahihirap.
Binigyang diin ni Arellano na sa 1,500 mga paaralan ng C-E-A-P, 900 sa dito ay maliliit na mission schools na nagsisilbi sa mga liblib na lugar sa bansa.
Sinabi ni Arellano na ang sinisingil na tuition fees ng mga Catholic school ay napupunta sa operations ng mga mission schools, pag-upgrade ng mga facilities, sa benepisyo ng mga teachers at kawani gayundin sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon.
‘Halimbawa po sa Catholic Education Association of the Philippines, meron po kaming 1,500 schools, majority po diyan ay mission at small schools, siguro mga 900 po ang mission at small schools na matatagpuan sa mga liblib na lugar, sa mga mahihirap na parokya na halos walang kinikita kundi pambayad sa guro. Yang mga madre at pari hindi naman binabayaran yan. Konting allowance napupunta sa community nila. So, kung meron mang kitang maliit yan, ginagamit po sa laboratories, improvement ng academic program. Kaya sa mga pag-aaral laging lumalabas na mataas ang kalidad ng mga Catholic schools dito.”pahayag ni Arellano.
Binigyan diin ni Arellano na hindi tamang bubuwisan mo ang mga paaralan na nagbibigay ng scholarship sa mga estudyante.
Iginiit ni Arellano na malaki ang ginagampanan ng mga Catholic institution sa partnership ng gobyerno at private sectors sa pagbibigay ng maayos at kuwalidad na edukasyon sa bansa.
Nauna rito, inihayag ni CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education chairman at San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na bukas silang ipakita sa mga mambabatas ang financial statements ng mga Catholic schools.
Read:
http://www.veritas846.ph/kongresoiniimbitahang-silipin-ang-financial-statements-ng-catholic-schools/
(Riza Mendoza)