159 total views
Manila, Philippines– Ito ang binigyang diin ng Families of the Victims of Involuntary Disappearances o F-I-N-D sa pagkapasa ng House Bill 4727 o ang Reimposition of Death Penalty Bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Nilda Lagman Sevilla, chairperson ng F-I-N-D, hindi kailanman makakamit ng sinuman at maging ng bayan ang hinahangad nitong katarungan mula sa anumang krimen o kasalanan sa pamamagitan ng isa pang krimen.
Giit ni Sevilla, restorative justice at pagsasa-ayos ng justice system ng bansa ang pinaka-napapanahong tutukan ng mga mambabatas at hindi ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
“Masyado kaming malungkot pero lalo pa ding umalab ang aming damdamin na ituloy yung laban against the death penalty, kasi po Vengeance is not Justice and Justice is not Vengeance. Hindi po retributive justice but restorative justice, yung justice na ibinabalik yung broken relationship at tinutulungan yung mga nagkakasala na marealize nila yung magnitude ng kanilang offense at magbago at ma-reintegrate muli sa lipunan na maging productive member of the society, kapag pinatay po natin sino pa ang irereform, sino pa ang irerehabilitate natin, sino pa ang paparusahan.” pahayag ni Sevilla sa panayam sa Radio Veritas.
Magugunitang binigyagng diin ni CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples Chairman at Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos na hindi lahat ng legal ay moral kung saan kahit pa maibalik ang parusang kamatayan ay mananatili pa rin itong kasalanan sa mata ng Diyos at ng Maykapal.
Read: http://www.veritas846.ph/hindi-lahat-ng-legal-ay-moral/
Kaugnay nito, iginiit ni Agusan del Norte 1st District Representative Lawrence Fortun na hindi maaring dagdagan ng mga mambabatas sa Senado ang mga kaso o krimeng maaring patawan ng parusang kamatayan maliban sa drug related offenses na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.
Inihayag ng mambabatas na illegal ang pagdadagdag ng iba pang krimeng maaaring patawan ng parusang kamatayan bukod sa naipasang bersiyon ng Kamara.(Reyn Letran)