199 total views
Ang edukasyon kapanalig, ay isa sa mga makapangyarihang paraan upang maka-alpas sa kahirapan ang marami nating mga kababayan. Kaya lamang, maraming mga balakid sa pag-aaral, lalo na dito sa ating bansa.
Isa mga matitinding balakid kapanalig, ay ang pagre-recruit at pagre-retain ng mga teachers na dedicated hindi lamang sa propesyon ng pagtuturo, kundi sa mga bata at sa kanilang bahagi bilang pundasyon ng pagsulong ng bansa.
Kapanalig, ang pag-aaral ay mahalaga, lalo na sa mga bansa gaya ng Pilipinas na pilit na umaahon sa kahirapan. Ang mga guro na willing o pumapayag na itaya ang buhay para sa kapanakan ng mga bata at ng ating bansa ay mahirap mahagilap. Kaya nga’t dapat bigyan nating pugay ang mga guro na tunay na niyayakap ang bokasyon ng pagtuturo, lalo na sa mga lugar na tinatawag nating geographically isolated and disadvantaged areas o GIDA.
Ang mga estudyante at guro sa mga GIDA ay kailangan maglalakad ng ilang oras para marating ang mga paaralan. Ang mga iba ay kailangan pang magbangka o tumawid ng mga matatarik na tulay. At ito ay hindi lamang minsan nilang ginagawa. Araw-araw itong gawain. Sa mga urban areas naman, umaabot ng mahigit pa sa 50 ang mga bata sa isang classroom. Marami sa mga classroom na ito ay mainit, walang electric fan, at masikip.
Mahirap magturo sa ganitong mga sitwasyon, kaya’t kahanga-hanga ang mga guro na nananatili sa pagtuturo sa Pilipinas. Sa ngayon, tinatayang mahigit pa sa 500,000 ang mga public school teachers sa mga elementary at secondary high schools sa ating bayan. Mula 2010 hanggang 2013, mahigit pa sa 100,000 teaching positions ang nilikha ng gobyerno. Base sa schoolyear 2013-2014, ang teacher to pupil ratio sa elementarya ay 40.36, habang sa high school, nasa 34.06.41 ito.
Kapanalig, kailangan nating suportahan ang development at retention ng ating mga guro. Ang realidad ng brain drain ay isa sa mga banta sa education sector dahil mas marami ng mga propesyonal, kasama na ang mga guro, ang nagnanais na mag-abroad kaysa manatili sa ating bayan. Ang ganitong uri ng migrasyon ay maaring mangyari dahil na rin mas mabilis na ang mobilisasyon ng mga propesyal sa Southeast Asia dahil sa ASEAN integration.
Kapanalig, ang kaayusan ng sitwasyon ng mga guro sa ating bayan ay ganansya para sa ating lahat. Ang mga guro ay ating mga “national treasures” dahil nasa kanilang kamay ang paghuhulma ng kinabukasan sa ating bansa. Kung mababa ang kanilang kalidad, kung hindi natin sila susuportahan, kahit anong economic gains na makukuha natin ngayon ay pihadong masasayang din sa kalaunan.
Ayon sa called to Justice in Everyday Life , “People who use their skills and expertise for the common good, the service of others, and the protection of creation, are good stewards of the gifts they have been given.” Maraming mga guro ang kasama sa hanay na ito, at dapat natin silang suportahan. Paalala ng Pacem in Terris: Hindi lamang pagkikilala sa karapatan ang dapat nating gawin sa ating kapwa. Kailangan din magpursugi tayo na maibigay ang kailangan nila upang kanilang maabot ang kaganapan ng kanilang mga karapatan at pagkatao.