79,681 total views
Mga Kapanalig, kayo ba ay manggagawa o empleyado? Tuwing malakas ang ulan, bumabagyo, o bumabaha sa mga daanan, naiisip rin ba ninyong sana, katulad ng mga estudyante, wala rin kayong pasok sa inyong pinagtatrabahuhan?
Noong kasagsagan ng uláng dala ng Bagyong Enteng at ng hinila nitong habagat, may isang netizen na nagsabing “’pag pumasok ka bilang trabahador, gampanan mo.” Hindi raw dapat magdahilan ang mga manggagawa na parang mga estudyante na kaunting baha lang o simpleng sipon lang ay hindi na papasok. Dagdag ng netizen, palagi raw dapat isipin ng mga manggagawa ang kanilang trabaho bilang isang responsabilidad. Para sa kanya, “pagmamahal” sa kompanya, halimbawa, ang pagpasok kahit matindi ang ulan o kahit may karamdaman. Pagpapahalaga raw iyon sa trabahong dahilan kung bakit kumikita at nagkakapera ang isang manggagawa.
Burado na ang naturang post. Pinutakti kasi siguro ng mga negatibong komento at batikos ang mga sinabi ng netizen na tila mas pinahahalagahan ang dedikasyon sa pinagtatrabahuhan kaysa sa kapakanan ng mga trabahador.
Anong say n’yo rito, mga Kapanalig?
Una sa lahat, ang pagtatrabaho ay karapatan at obligasyon. Sa lente ng ating pananampalataya, mahalaga ang pagtatrabaho dahil sa pamamagitan nito, nakakakain at nabubuhay ang tao. Iyan ang unang pangungusap sa Catholic social teaching na Laborem Exercens. Sa pagtatrabaho, dagdag ng ensiklikal na ito, nakapag-aambag ang tao sa pag-unlad ng lipunang kinabibilangan niya. Sa simula pa lamang, ang tao ay tinawag na ng Diyos para magtrabaho; mababasa natin ‘yan sa Genesis 2:15. Ito ang nagtatangi sa tao sa ibang nilaláng na nabubuhay lamang batay sa kanilang kagyat na pangangailangan, walang kalayaang ginagamit o konsensyang pinakikinggan. Sa madaling salita, ang tao ay tao dahil sa pagtatrabaho.
Walang trabaho na walang kaakibat na hirap. Sa Filipino nga, “pagbabanat ng buto” ang tawag din natin sa trabaho—kailangang gumalaw, kailangang kumilos, kailangang magsumikap. Mahirap ang magtrabaho, pero ibang usapin na kung nagpapahirap ang magtrabaho. Sa Laborem Exercens, kinikilala ng Simbahan na ang pagtatrabaho ay maaaring gamitin upang pahirapan at pagsamantalahan ang tao.
Maituturing na nagpapahirap ang pagtatrabaho, halimbawa, kapag mas matimbang ang dami ng magagagawa ng mga trabahador na magbubunga ng dagdag-kita sa isang negosyo kaysa sa kaligtasan at kalusugan ng mga taong kumakayod. Sa ekonomiya natin ngayon, biyaya ang pagkakaroon ng trabaho, at dapat nating ipagpasalamat kung may pinagkukunan tayo ng ating pang-araw-araw na pangangailangan. Pero hindi ito dapat maging dahilan para ituring natin ang ating trabaho bilang mas mahalaga kaysa sa ating kapakanan.
Tao ang nasa sentro ng trabaho. Mas mahalaga ang dignidad ng tao kaysa sa trabaho. Ito ang tinatawag ng Laborem Exercens na subjective dimension ng pagtatrabaho. Ang katapat naman nitong objective dimension ay tumutukoy sa mga ginagamit para makapagtrabaho gaya ng teknolohiya o makinarya at kapital o puhunan. Mahalaga rin ang mga ito, pero para sa Simbahan, ang ating dignidad bilang manggagawa ay nasa pagpapahalaga sa ating dignidad bilang tao.
Kaya kapag masama ang panahon o malalagay sila sa panganib, kaligtasan at kalusugan ng mga trabahador ang dapat unahin. Hindi sila dapat piliting pumasok. Hindi rin dapat obligahin ng mga manggagawa ang kanilang sarili dahil lamang sa dedikasyon o katapatan sa kanilang pinagtatrabahuhan. May advisory pa nga ang ating Department of Labor and Employment (o DOLE) na nagpapaalalang karapatan ng mga trabahador na lumiban kapag masama ang panahon. Saad ng advisory: “Employees who fail fail or refuse to work by reason of imminent danger resulting from weather disturbances and similar occurrences shall not be subject to any administrative sanction.”
Mga Kapanalig, huwag nating ipagpalit ang ating kapakanan sa trabahong ginagawa natin, lalo na kung nagpapahirap ito sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.