83,785 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ang Oktubre bilang Buwan ng mga Katutubong Pilipino. Ang tema ng pagdiriwang sa taóng ito ay “Mga Katutubo at Katutubong Dunong: Pahalagahan, Pangalagaan, at Parangalan.” Binibigyang-diin ng temang ito ang pagkilala at pagtataguyod sa mahalagang papel sa buhay ng ating bayan ng mga katutubo at ng kanilang mga kaalaman at kaugalian.
May halos 17 milyong katutubo sa Pilipinas. Binubuo nila ang nasa 12% hanggang 15% ng ating populasyon. Kabilang sila sa mahigit 110 na ethno-linguistic groups at matatagpuan sa 65 na probinsya. Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (o NCIP), karamihan o 63% sa kanila ay nasa Mindanao; 34% ay nasa Luzon at 3% naman ay nasa Visayas.
Kinikilala ang mga katutubo bilang pinakamahuhusay na tagapagtanggol ng ating kalikasan. Sila ay tinaguriang “on-site stewards” sa pagprotekta sa ating mga likas na yaman. Sa Pilipinas, ayon sa United Nations Development Programme, halos 1:1 ang ratio ng Key Biodiversity Areas (o KBA o mga lugar na itinalaga bilang sagana sa iba’t ibang nilalang) at ng ancestral domains (o mga lupang ninuno ng mga katutubo). Ibig sabihin, malalim na magkaugnay ang KBA at ang presensya ng mga katutubo sa mga lugar na ito. Dagdag pa rito, may mga KBA sa bansa na hindi pa itinatalagang protected area ngunit ancestral domain. Ang mga kaalaman, sistema ng pamumuhay, at kaugalian ng mga katutubo ay malalim na nakaugat sa kanilang kultura at paniniwala.
Gayunman, patuloy na isinasantabi ang mga katutubo. Tinalakay natin sa isang editoryal kamakailan ang kuwento ng mga katutubo sa Bugsuk Island sa bayan ng Balabac sa Palawan. Noong Hunyo, sinugod at pinalalayas sila ng mga armadong lalaki. Ayon sa mga katutubo, ang mga lalaki ay tauhan ng San Miguel Corporation na may itinatayong tourism area doon. Itinanggi naman ito ng korporasyon.
Hanggang ngayon, nasa Metro Manila ang ilang katutubo mula sa Bugsuk. Patuloy silang nakikipagpulong sa mga ahensya ng pamahalaan. Bumibisita sila sa mga paaralan at nakikipag-usap sa mga NGO para ipaalam ang kanilang laban at para humingi ng suporta. Gusto nilang itigil na ang marahas na pagtataboy sa kanila sa isla nang payapa silang makapamuhay doon.
May tatlong pangunahing dahilan sa likod ng panawagan ng mga katutubo mula sa Bugsuk. Una, para sa kanila, ang lupa at dagat ay buhay. Sa mga ito nakasalalay ang kanilang kabuhayan gaya ng pagsasaka at pangingisda. Pangawala, kakabit ng kanilang pagkakakilanlan (o identity) at kultura ang isla at lupang ninuno. Anila, ito ang kanilang pinagmulan at ito ang kanilang magiging kinabukasan. Panghuli, ipinaglalaban lamang nila ang kanilang mga karapatan. Maninindigan daw sila para sa kanilang karapatan sa lupaing ipinasa sa kanila ng kanilang mga ninuno at nais na ipasa sa susunod nilang salinlahi.
Ang mga dahilang inilatag ng mga katutubo sa Bugsuk ay alinsunod sa mga turo ng Simbahan. Naniniwala ang ating Simbahan na ang ugnayan ng mga katutubo sa kanilang lupain at kapaligiran ay pundasyon ng kanilang pagkakakilanlan. Batid ng Simbahan ang mga banta ng mga makapangyarihang interes na kinakamkam ang mga lupaing ninuno at isinasantabi ang mga karapatan ng mga katutubo. Kaya’t kasama ng mga katutubo, nananawagan din ang ating Simbahan na protektahan at kilalanin ang karapatan nila.
Mga Kapanalig, pakinggan natin ang paalala sa Mga Kawikaan 31:8: “Ipagtanggol natin ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan.” Ngayong Buwan ng mga Katutubong Pilipino, pakinggan natin ang boses ng mga kapatid nating katutubo. Pahalagahan, pangalagaan, at parangalan natin sila. Mag-uumpisa ito sa pagkilala, lalo na ng gobyerno, sa kanilang mga karapatan. Sa ganoong paraan, magiging makabuluhan ang pagdiriwang na ito para sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.