6,244 total views
Ipinaalala ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mamamayan na patuloy na isabuhay at maging tagapamagitan ng pagmamahal ng Panginoong sa Sanlibutan.
Ito ang mensahe ng Obispo sa thanksgiving mass para sa pagdiriwang ng ika 71 Anibersaryo ng Caritas Manila ngayong araw dito mismo sa Cuneta Astrodome Pasay City.
“Itong ating Cuneta Astrodome, sobra sa kalahati ay puno, nandidito kayo, hindi naman kayo lang, pero talaga namang nagmamalasakit sa kapwa tao, ngunit kayo ang kinatawan, kayo ang sagisag, kayo ang kabilang sa institusyon na nagpapakita ng pagmamahal ng Archdiocese of Manila sa mga dukha, sa mga naapi, sa mga nangangailangan at inuulit ko yan ang pinakamahalagang gawain ng simbahan,” ayon sa mensahe ni Bishop Bacani.
Ipinagdarasal ng Obispo na hindi makalimutan ng mga dumalong volunteers na ang dahilan ng kanilang pakikiisa ay upang mapabuti ang kalagayan o antas ng pamumuhay ng kanilang kapwa kung kayat mahalaga na laging maalala si Hesus sa anumang sisimulang inisyatibo.
Ito ay upang makatanggap ng sapat na paggabay mula sa Panginoon at hindi maligaw ng landas sa anumang gawain na layuning tulungan ang mga mahihirap tungo sa pagpapaunlad ng kanilang pamumuhay.
“Ang bibliya na mismo ang nagsasabi sa atin na ang kaalaman at ang pagsamba ay hindi magiging makabuluhan kung hindi ito nagbubunga ng pagmamahal at ng gawa ng pagmamahal sa kapwa tao at sa Panginoon, at ngayon na tinitignan ko kayo, nako, hindi lamang parang mga ilaw na maliliit kungdi kayo’y nagniningas, lumalagblab na mga apoy na nagpapakita na ng pagmamahal ng Diyos, salamat sa Diyos dahil sa inyo,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Bacani.
Sa datos ng Caritas Manila, hindi bababa sa dalawang libong mga parish volunteers, donors at benefactors ang nakikiisa sa naging pagdiriwang ng 71st Anniversarry ng Caritas Manila.
Sa programa, isa-isang itinampok ang mga kawani ng Caritas Manila, kinilala din ang mga long time parish volunteers at workers na matagal ng nagseserbisyo upang maisabuhay ang mga adbokasiya na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap sa lipunan.