208 total views
Ikinalungkot ni Fr. Amado Picardal, CSsR – Executive Secretary ng CBCP Basic Ecclesial Communities ang muling pagpapatuloy ng Oplan Tokhang o “Oplan double barrel”.
Ayon sa pari, dapat nang palitan ng pamahalaan ang madugong pamamaraan ng pagsugpo sa iligal na droga na puro mahihirap lamang ang napupuntirya.
Iginiit din nito na hindi solusyon ang giyera laban sa droga dahil lalo lamang nitong mapalalala ang isang social issue sa bansa na kahirapan.
“Hindi ma-solve yung problema sa drugs [sa pamamagitan ng] giyera saka yung killings. Dapat po you address the problem of drugs it is actually a problem, sa social problem, now we have to understand [what causes it] is poverty at saka yung full of killings dapat healing, [because] it’s a health problem. Kaya nga in other countries they have to change their standard [operations],” pahayag ni Fr. Picardal sa panayam ng Radyo Veritas.
Ngayong buwan muling ibinalik ang operation Oplan Tokhang ng Philippine National Police, at inanyayahan rin ni PNP Chief Director Ronald Dela Rosa ang religious groups na makiisa sa programa upang ipakita na malinis na at wala nang anomalya ang kanilang programa.
Sa tala mula noong Hulyo 2016, umabot na sa 7,000 ang napatay mula sa legal na operasyon ng pulisya kontra iligal na droga.
Gayunman, inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the laity na hindi gugustihin ng simbahan na makasama sa mga programa na hindi gumagalang sa buhay o kumukonsinti sa culture of Death.(Yana Villajos)