886 total views
Mga Kapanalig, heto na naman ang ating mga mambabatas. Charter change, o Cha-cha, na naman ang nakikita nilang solusyon sa patung-patong na problema sa ating bayan.
Bago matapos ang buwan ng Enero, sinimulan ng House Committee on Constitutional Amendments ang mga pagdinig sa mga panukalang batas na naglalayong amyendahan ang ating Saligang Batas.
Kabilang sa mga iminumungkahing pagbabago sa Konstitusyon ay ang pag-aalis ng limitasyon sa foreign investment sa mga negosyo sa ating bansa. Hindi raw kasi katulad ng mga kapitbahay nating bansa, masyadong mahigpit ang Pilipinas sa pagpayag na magkaroon ng mas malaking pagmamay-ari at kontrol sa mga negosyo ang mga dayuhan. Hanggang 40% lamang kasi ng share of capital ang maaaring ilagak ng mga dayuhan sa mga negosyong pinakikinabangan ang ating mga likas-yaman o natural resources. Kung aalisin daw ang limitasyong ito, giit ng mga mambabatas, bibilis ang paglago ng ating ekonomiya. Panahon na rin daw na payagan ang mga dayuhang magkaroon ng mas malaking kontrol sa mga negosyong katulad ng public utilities at mass media upang lumakas ang kompetisyong magtutulak sa mga industriyang pagbutihin ang kanilang mga produkto at serbisyo.
Hati naman ang mga eksperto sa usaping Cha-cha.
Sa isang banda, may nagsasabing hindi naman isyu para sa mga dayuhang mamumuhunan ang mga restriksyon ng Saligang Batas. Sa mga industriyang hindi naman nililimitahan ang pagmamay-ari ng mga dayuhan, lubhang mababa pa rin ang pagpasok ng tinatawag na Foreign Direct Investments kaya ano raw ang garantiyang mababago ito ng Cha-cha? Mas matimbang para sa mga mamumuhunan ang katatagan ng ating ekonomiya, malinis na gobyerno, mabilis na pagsasagawa ng negosyo, at kalidad ng imprastraktura.
Sa kabilang banda, may mga nagsasabing dapat na ngang i-update ang mga economic provisions ng Saligang Batas. Ngayong wala nang kawala ang ating ekonomiya sa tinatawag na globalisasyon, dapat maging mas bukás ang ating bansa interes ng mga korporasyon, kabilang dito ang pagmamay-ari ng lupa at paglinang nila sa ating mga likas-yaman. Gayunman, babala ng mga pabor sa Cha-cha, ang mga pagbabago sa Saligang Batas ay hindi raw dapat mahaluan ng political agenda katulad ng pagpapalawig ng termino ng mga nasa poder.
Ang pangambang mahahaluan ng pamumulitika ang Cha-cha ang pinakamabigat na dahilan marahil kung bakit masalimuot ang usaping ito. Maraming beses nang tinangkang baguhin ang ating Saligang Batas mula pa noong administrasyon ng yumaong Pangulong Fidel Ramos, ngunit wala sa mga ito ang nagtagumpay. Ngayong nahaharap ang ating ekonomiya sa matinding hamon—na sinabayan pa ng napakalaking utang na iniwan ng nakaraang administrasyon—mauunawaan natin kung maghanap ang ating pamahalaan ng mga paraan upang hindi malimás ang kaban ng bayan. Ngunit kailangang makuha muna ng mga mambabatas ang tiwala ng taumbayan at patunayang para sa kapakanan ng lahat—at hindi para sa interes ng iilan—ang isinusulong nilang pagbabago sa ating Saligang Batas. Ito, sa ngayon, ang hindi pa rin natin makita.
Kinikila ng Santa Iglesia ang lehitimong awtonomiya ng demokratikong pamamahala, ngunit sa pakikisangkot ng Simbahan sa mga usaping panlipunan, binibigyang-diin nito ang pagpapahalaga natin sa dignidad ng tao. Sabi pa sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang pamahalaan ay may tungkuling gawin ang lahat ng magagawa nito upang tugunan ang interes ng mga mamamayan.5 At dahil “walang pamahalaang hindi mula sa Diyos”, wika nga sa Roma 12:1, ang gobyernong inuuna ang interes ng iilan ay maituturing na lumalabag sa dignidad ng taong nilikha ng Maykapal.
Kaya naman, mga Kapanalig, sa usaping Cha-cha, dapat tayong maging mapanuri at mapagbantay. Paano matitiyak na para nga ito sa kapakanan ng lahat? Paano matiitiyak na walang itinatagong pansariling agenda ang mga nagsusulong nito? Para kanino nga ba talaga ang Cha-cha?
Sumainyo ang katotohanan.