45,060 total views
Sa paglipas ng panahon, mas dumarami ang hamon na dulot ng pagbabago ng klima sa ating planeta. Ang pagkasira ng ating kalikasan at ang paggamit ng mga uri ng enerhiya na nagpapainit pa lalo sa mundo ay nagdadala ng samu’t saring problema sa mga bansang gaya ng Pilipinas, na napaka vulnerable sa impact ng climate change. Kailangan na natin ng kinabukasan kung saan clean energy ang gamit ng mundo.
Hanggang ngayon, sa fossil fuels pa rin naka-asa hindi lamang ang Pilipinas kundi ang napakarami pang mga bansa. Ang fossils ay nagdudulot ng malalang polusyon sa hangin at kagubatan, na may malubhang epekto sa kalusugan ng tao pati sa mga natural ecosystems. Kailangan na nating mag-shift sa sa mga alternatibong enerhiya para tayo ay magkaroon ng sustainable future.
Ang solar power ang isang magandang halimbawa ng clean at sustainable energy. Dahil tayo ay bansang mayaman sa sinag ng araw, maaari itong maging isa sa pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng bansa. Marami pang mga lugar sa bansa na maaaring maging sites o lugar para sa mga solar farms. Hindi lang enerhiya ang naibibigay nito, kundi trabaho din, lalo na sa mga rural areas ng bansa.
Bukod sa solar power, mahalaga rin ang pagsulong ng wind energy sa ating bansa. Ang mga naitayong wind energy farms sa ating bansa ngayon ay hindi lamang nakakatulong sa pag suplay ng enerhiya, nagiging tourist spots na rin sila, na tumutulong sa mga LGUs magpalago. Maari pa tayong magtayo ng mga wind turbines sa mga lugar na may malakas na hangin, gaya sa mga baybayin at burol. Ang wind energy ay malinis at renewable.
Ang isa pang potential na pagkukunan ng clean energy ay ang hydropower. Noong 1980s pa pinag-aaralan ang viability nito sa ating bansa, at naka-identify na nga noon ng 1,000 mini-hydro potential sites for development. Sana, matuloy na ang mga ito, dahil napakalaki ng potensyal ng clean energy sa ating bansa. Kaya lamang, hanggang ngayon, tinatayang sobra pa sa kalahati ng ating energy mix ay mula sa fossils.
Upang makamit natin ang isang clean energy future, kailangan ng koordinasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng mga mamamayan. Dapat ilatag na rin ng pamahalaan ang mga policy reforms na magpapadali ng instalasyon at paggamit ng clean energy. Ang edukasyon sa publiko ukol sa kahalagahan ng malinis na enerhiya ay mahalaga rin upang hikayatin ang lahat na makiisa sa pagsusulong ng kinabukasang puno ng malasakit sa kalikasan.
Kung tayo ay magtutulungan, maaari nating marating ang clean energy future sa Pilipinas. Huwag natin sayangin ang oportunidad na ito para masiguro ang sustainable future para sa ating lahat. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang pahayag sa mga oil companies: The transition to accessible and clean energy is a “duty that we owe towards millions of our brothers and sisters around the world, poorer countries and generations yet to come.”
Sumainyo ang Katotohanan.