844 total views
Mga Kapanalig, “guilty” ang hatol ng hukuman sa pumaslang kina Carl Angelo Arnaiz, 19 na taong gulang, at Reynaldo “Kulot” De Guzman, 14 na taong gulang, dalawa sa maraming biktima ng madugong giyera kontra droga ng dating administrasyong Duterte. Sinabi ng Navotas Regional Trial Court na “guilty beyond reasonable doubt” ang dating pulis na si Jeffrey Perez sa pagpatay sa magkaibigang binatilyo. Isa ito sa dadalawang hatol ng korte sa mga napatay sa ilalim ng war on drugs. Una nang nahatulan ng guilty ang pulis na bumaril sa 17-taong gulang na si Kian delos Santos.
Taong 2017 noong naiulat na nawawala si Carl at makalipas ang 11 araw, natagpuan ang katawan niya sa isang punerarya sa Caloocan. Ang unang ulat ng mga pulis ay nagnakaw daw siya sa isang taxi driver, at nanlaban sa mga rumespondeng pulis kaya siya ay napatay. Matapos ang dalawang buwan, si Kulot naman ang natagpuan sa isang sapa. Tadtad ng tama ng baril ang kanyang katawan. Maliban sa pagpatay kina Carl at Kulot, guilty rin ang dating pulis sa pagtatanim ng ebidensya katulad ng iligal na droga at bala.
Habambuhay na pagkakabilanggo ang kaparusahan kay Perez. Pinagbabayad rin siya ng danyos sa pamilya nina Carl at Kulot. Hindi na maibabalik ang kanilang buhay, pero maaaring magbigay ng kapanatagan ng loob sa pamilya ng dalawang binatilyo ang naging hatol ng husgado. Maaari din itong magbigay ng pag-asa sa mga pamilya ng libu-libong napatay sa laban kontra droga na sumisigaw pa rin ng hustisya.
Kung si Public Attorney’s Office chief Persida Acosta ang tatanungin, nagpapakita raw ang hatol na ito na operational o gumagana ang sistema ng hustisya sa ating bansa. Patunay daw ito na walang sinisino ang gobyerno, at hindi nito pinapabayaan ang pagmamalabis maging ng mga pulis. Salungat dito ang pananaw ng grupong Bayan Muna. Dahil pangalawa pa lamang ang kaso nina Carl at Kulot sa mga naresolba mula libu-libong kaso ng pagpatay, dapat pa rin daw ituloy ng International Criminal Court (o ICC) ang imbestigasyon nito sa kampanya laban sa droga. Matatandaang hiniling ng ating gobyerno noong 2021 na pansamantalang itigil ng ICC ang imbestigasyon, pero ngayong Enero ay muling itinuloy ito. Para kay Senadora Risa Hontiveros, magsilbi sanang mensahe sa atin ang paglabas kamakailan ng arrest warrant ng ICC laban kay Russian President Putin dahil sa digmaan sa Ukraine. Nagpapakita ito na ang pandaigdigang komunidad ay hindi bulag sa mga krimeng ginagawa ng mga lider sa kanilang mga pinamumunuan—kasama rito ang pagpatay sa libu-libong tao para lang sugpuin ang sinasabing problema natin sa iligal na droga.
Pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang human dignity—gumagamit man ng droga ang tao o hindi—kaya’t hindi makatarungan ang sinapit nina Kian, Carl, at Kulot na napagbintangan lamang ngunit walang habas pang pinatay. Ang dignidad ng bawat tao ay mapoproteksyunan kung may pagkilala sa mga karapatang pantao. Kung tunay ngang gumagana ang sistema ng hustisya sa ating bansa, ang buhay ng tao ang dapat binibigyan ng pinakamataas na antas ng proteksyon ng mga nagpapatupad ng batas, kabilang ang mga pulis. Isa nga sa sampung utos ng Diyos sa Exodo 20:13 ay “Huwag kang papatay.”
Mga Kapanaligb, tatlo lamang sina Kian, Carl, at Kulot sa mga nawala dahil sa marahas na pagtugon sa isang sinasabing problemang panlipunan. Nananawagan pa rin ng hustisya ang mga pamilya ng iba pang pinatay. Hindi lamang ang hatol ng hukuman dito sa ating bansa o kaya’y arrest warrant mula sa ICC ang mga daan patungo sa pagkamit ng hustisya. Kailangang kilalanin natin palagi, lalo na ng mga nasa kapangyarihan, ang dignidad at karapatan ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.