1,450 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang Freedom from Debt Coalition Women (FDC Women) na bigyan oportunidad ang mga kababaihan na maging bahagi ng ekonomiya.
Ayon sa FDC Women, ito ay upang higit na matugunan ng Pilipinas ang mga suliranin sa ekonomiya katulad ng napakataas na inflation rate, lumalalang kahirapan at pagtaas ng utang ng bansa sa 13.64-trillion pesos.
“Naipasa man ng kilusang kababaihan ang Magna Carta for Women, di pa lubos na narerealisa ang mga probisyon dito lalo na sa usapin ng kabuhayan at political representation at pagtutulak ng mga batas at polisiyang magbebenepisyo sa kababaihan,” ayon sa mensaheng ipinadala ng FDC Women sa Radio Veritas.
Ito ang apela ng grupo dahil nananatiling mababa ang labor force participation ng mga kababaihan na base sa 2021 data ng World Bank ay umabot lamang sa 38.7% ang Women’s labor force participation sa Pilipinas.
Nanawagan ang FDC Women sa pamahalaan na lumikha ng mga inisyatibo o programang magbibigay ng trabaho’t kabuhayan sa mga kababaihan sa ibat-ibang larangan.
Sa ulat ng International Labor Organization, sa buong mundo, sa bawat 1-US dollars na kinikita ng mga kalalakihan ay aabot lamang sa 51-cents ang kinikita ng mga kababaihan.
Unang kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine Episcopal Office on Women ang patuloy na pakikiisa ng mga kababaihan sa ekonomiya kasabay ng paalala na ang bawat isa, babae man o lalaki ay nilikha ng Diyos na pantay-pantay.