Mga Kapanalig, ayon sa Mga Awit 5:5-7, kinasusuklaman ng Diyos ang mga mamamatay-tao, manlilinlang, at sinungaling. Ang ating Panginoon ay Diyos ng katotohanan at katarungan. Hindi Niya nais na tayo ay mabuhay sa panganib ng kasinungalingan at karahasan. Buhay ang nais ng Diyos sa atin, ngunit sa ating pulitika ngayon, lantaran pa rin ang karahasan–kahit na sa pananalita lamang.
Itanggi man ng mga pulitiko, mahalaga ang resulta ng nakaraang eleksyon dahil ito ang magdidikta sa gaganaping impeachment trial na kakaharapin ni Vice President Sara Duterte. Malaki ang magiging epekto ng nakaraang eleksyon dahil nakasalalay sa mga senador kung siya ba ay mako-convict o maa-acquit sa mga kasong kinahaharap niya. Sa isang panayam matapos ang halalan, sinabi ng bise na nais niyang matuloy ang impeachment trial. Gusto raw niya ng isang “bloodbath” o pagdanak ng dugo sa kanyang paglilitis. Itinuturing niya ring isang “glorified disqualification case” o isang pinagandang paraan para hindi siya makatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Hindi ikinatuwa ng Palasyo at ng mga mambabatas na magiging bahagi ng prosecution panel ang pahayag ni VP Sara. Sabi ni Atty Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo, “may pagkabayolente ang tugon ng ating bise presidente.” “We hope it’s just a figure of speech and it should not be taken literally,” dagdag pa niya. Sana nga. Nagpahayag din ng pagkadismaya si Mamamayang Liberal Partylist Representative-elect Leila de Lima, na magsisilbing isa sa mga prosecutors sa kaso. Iginiit niyang ang impeachment trial ay isang mahalagang proseso ng accountability na nakabatay sa ating Saligang Batas.
Ang “bloodbath” na sinabi ng bise presidente ay isang uri ng pahayag na hindi katanggap-tanggap lalo na kung ito ay nangungunsinti sa mali o karumal-dumal na gawain. Hindi rin ito dapat nanggagaling sa isang mataas na opisyal ng bansa. Ang impeachment ay isang mekanismo ng pagpapanagot (o accountability), at nakaugat ito sa pagkakaroon ng kapayapaan at katarungan sa ilalim ng batas.
Sa ating kasaysayan, mataas ang pagtingin natin sa mga mekanismo ng accountability dahil sa mga paraang ito, naitutuwid ang mga tiwaling gawain ng mga opisyal. Ang impeachment trial kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001 ay nagpanagot sa kanyang pagnanakaw sa pondo ng bayan. Ang makasaysayang EDSA People Power I naman na nagpatalsik sa rehimeng Marcos Sr noong 1986 ay isang pag-aaklas laban sa pandaraya at panlilinlang ng dating diktador.
Sumasang-ayon ang panlipunang turo ng Simbahan sa kahalagahan ng batas sa isang demokratikong pamahalaan. Mahalaga para sa Simbahan na mapanagot ang mga opisyal dahil ang kanilang pagkahalal ay hindi para sa kanilang mga pansariling interes o mga ideyolohiya. Ang layunin ng isang demokrasyang katulad ng Pilipinas ay ang pagpapairal ng batas, katarungan, kapayapaan, at partisipasyon. Ang hindi pagsasakatuparan ng layuning ito ay nagiging hadlang sa pagyabong ng mga mamamayan.
Sa yugtong ito ng ating bansa, napakahalagang tingnan ang ating mga batas hindi lamang bilang mga mekanismo ng pagpapanagot, kundi mga paalala sa ating mga opisyal ng kanilang sagradong tungkulin sa ating mga Pilipino. Tungkulin nilang panatilihin ang kaayusan at paigtingin ang kaunlaran, hindi ang paghahasik ng lagim at karahasan. Sa kaso ng bise presidente, ang impeachment trial ay isang paalala sa kanya na batas ang nananaig sa ating bansa, hindi ang pansarili o pulitikal na interes. Sa ating mamamayan, paalala rin ang paglilitis na tayo rin ang nahihirapan kapag ang ating mga pinipiling lider ay marahas.
Mga Kapanalig, tumugon tayo sa paanyaya ng Diyos na itakwil ang karahasan at pairalin ang dignidad ng buhay at kapayapaan sa ating bansa, dahil, gaya ng mababasa sa Juan 10:10, nais niya tayong “magkaroon ng buhay, at buhay na masaganang lubos.”
Sumainyo ang katotohanan.






