386 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, Ika-31 ng Marso 2022, Jn 5:31-47
Bakit nagalit ang Diyos sa ginawang pagsamba ng mga Israelita sa istatwa ng isang bakang ginto? Dahil ba kinalimutan na nila si Yahwe, ang Diyos na nagligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto? Dahil ba ipinagpalit na nila si Yahwe na kanilang Diyos sa isang diyos-diyosang ginto? Hindi naman. Sa totoo lang, kaya nga nila ginawa ang istatwa ng gintong baka ay dahil nami-miss na nila si Yahwe na kanilang Diyos. Ganito daw kasi ang nangyari:
Ayon sa simula ng kuwento sa Exodus 32, umakyat daw si Moises sa bundok, sa utos ng Diyos, para tanggapin ang Sampung Utos na nakatitik sa dalawang tapyas ng bato. Kaso, medyo nagtagal siya sa bundok. Kaya nainip sa kahihintay ang mga tao. Gusto nilang sambahin si Yahwe pero hindi nila alam kung paano dahil wala namang ginawang larawan niya na iniwan si Moises na dapat sambahin.
Kaya kinolekta daw ni Aaron ang lahat ng ginto na mayroon sila, tinunaw ang mga ito at ginawang estatwa ng isang gintong baka. Hindi naman hangad ni Aaron na ipasamba sa kanila ang ibang Diyos. Hindi nila intensyon na kalimutan o ipagpalit si Yahwe. Pakinggan ang sinabi ni Aaron sa mga tao noong araw na iharap niya ang gintong baka sa bayang Israel: “Israel, narito si Yahwe, ang Diyos na nagligtas sa inyo mula sa Ehipto.” Si Yahwe pa rin naman ang sinasamba nila. Binigyan lang nila ng porma o anyo, gamit ang mga mamahaling ginto. Akala nila dinadakila nila ang Diyos sa ginagawa nilang pagsamba sa istatwang tinuring nilang representasyon ni Yahwe. Iyon pala, nilalapastangan na siya.
Ito ang pagnilayan natin sa araw na ito. Bakit ayaw ng Diyos na igawa natin siya ng larawan? Ang sagot sa tanong na ito ay nasa story of creation sa Genesis chapter 1: dahil ang Diyos na mismo ang gumawa ng iisang larawan ng kanyang sarili at ito ay WALANG IBA KUNDI ANG TAO! “At sa kanyang hugis at wangis nilikha ng Diyos ang tao.” Palagay ko ginawa ito ng Diyos upang matutuhan nating galangin ang dangal ng bawat kapwa-tao bilang larawan ng Diyos.
Kaya pala, kahit sinasabi ng Deuteronomio na ang pinakadakilang utos ay PAG-IBIG SA DIYOS NANG HIGIT SA LAHAT, para kay Hesus, hindi pa kumpleto ang summary ng sampung utos kung wala ang pangalawa: PAG-IBIG SA KAPWA NA GAYA NG SARILI.
Sa ebanghelyo ganito rin ang punto ni Hesus. Sabi ni Hesus, naghahanap daw ang mga Hudyo ng patotoo tungkol sa nagsugo sa kanya, kung siya ba talaga ay sugo ng Diyos. Nagpatotoo na daw si Juan Bautista ngunit hindi siya pinaniwalaan. Akala pa nga nila si Juan na mismo ang hinihintay nilang mesiyas.
Isang malalim na pilosopiya ito—na hindi baka, o toro, o ibon ang piniling larawan ng Diyos ng kanyang pagkaDiyos, kundi ANG TAO. At ang magiging ganap na katuparan ng layuning ito ng Diyos ay hindi na ang lumang Adan na nagkasala kundi ang bagong Adan sa pagkatao ni HesuKristo. Kay Kristo, ang Diyos na totoo ay naging taong totoo, upang turuan ang tao kuna paano maging taong totoo, upang bigyan tayo ng totoong huwaran ng pagpapakatao, isang huwaran na magtuturo sa atin kung paano matutupad ang ating pagiging KALARAWAN NG DIYOS.
Walang dapat tularan ang tao kundi ang Diyos. Pero dito rin tayo madalas na malinlang, sa maling pakikitulad sa Diyos sa pamamagitan ng paghahangad ng kapangyarihan. Sa halip na sa Diyos sumamba, ang tao’y natututong sumamba sa sarili, sa mga idolong ginto, sa mga bagay na lumilipas. Nagaganap lang ang tunay na pagtulad ng tao sa Diyos kapag natuto tayong umibig sa isa’t isa katulad ni Kristo. Kaya pala ang iniwan niyang BAGONG KAUTUSAN SA ATIN ay “Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”
Ang pag-ibig sa kapwa ayon sa halimbawa ni Kristo ang siyang pinaka-kongkretong pagpapahayag ng pag-ibig natin sa Diyos. Kapag nagiging malupit o marahas ang tao sa kanyang kapwa-tao, kapag nawawalan siya ng malasakit sa kapwa, kapag niyuyurak niya ang dangal ng kapwa, ang tunay niyang nilalapastangan ay ang Diyos mismo.
Dito sa San Roque, kagaya ng ginawa ko noon sa Apu Mamacalulu at Holy Rosary Parish sa Angeles city, ang debosyon sa Hesus Nazareno ay iniugnay ko sa talinghaga tungkol sa huling paghuhukom sa Mateo 25. Ang pagdurusa ni Kristo ay dapat makita sa pagdurusa ng kapwa-tao, sa pinagdaraanan ng mga nagugutom, nauuhaw, nahuhubaran ng dangal, mga palaboy, maysakit at mga bilanggo. Dahil “Anuman (daw) ang gawin natin para sa pinakaaba o pinakahamak sa ating mga kapatid ay ginawa natin para sa kanya.”