73,457 total views
Kapanalig, ang gender equality sa Pilipinas ay isa sa mga hinahangaan sa Asya. Itong 2023, pang 16 pa nga ang bayan sa 146 countries sa buong mundo pagdating sa gender equality, ayon sa Global Gender Gap Index Report. Pang 19 tayo dito noong 2022. Tayo ang pinaka gender equal sa Asya.
Apat na salik o factors ang batayan ng report na ito: economic participation and opportunity, educational attainment, health and survival, and political empowerment. Isa sa mga pinakamatingkad o distinct na achievement natin ay nasa larangan ng edukasyon. 99.9% ang score natin dito – isang malaking achievement. Dati kapanalig, maraming kababaihan ang hindi nakakapag-aral dahil sa kahirapan, o di kaya kailangang unahin pa ang ibang mga kapatid at tumulong sa bahay. Ngayon patas na ang oportunidad ng edukasyon para sa lahat.
Ang laking bagay nito at kailangan nating kilalanin at icelebrate, upang mas ma-appreciate nating lahat. Ang edukasyon ay isa sa ating mga human rights. Sa pagkilala natin dito, binibigyan natin ng dangal hindi lamang ang kababaihan, kundi ang lipunan. Pinapakita nito na pinapahalagaan natin, bilang isang bayan, ang karapatan ng bawat isa.
Ang gender equality pagdating sa edukasyon ay kritikal sa pagwaksi ng kahirapan, hindi lamang ng mga babae kundi ng sangkatauhan. Kapag lahat ay ating binibigyan ng access sa pag-aaral, para bang hinahatid natin sila sa magandang kinabukasan. Lahat ay nabibigyan ng kaalaman at kasanayan na kailangan para sa ikagaganda ng kanilang buhay.
Pero kapanalig, ang pagtitiyak na ang mga kababaihan ay nabibigyan ng edukasyon ay hindi lamang dapat magtapos sa access. Kailangan din nating tiyakin ang na ligtas o safe sila habang sila ay nasa paaralan, papunta sa paaralan, at pauwi mula sa paaralan. Maraming mga lugar sa ating bayan ang remote, at kailangan pang tumawid ng ilog, ng mga kagubatan, at maglakad ng pagkahaba haba para lang makapasok. Isa itong malaking hamon para sa ating nasyonal at lokal na pamahalaan na kailangang mabigyan ng makabuluhan at mabilisang tugon.
Kapanalig, hindi lamang ang babae ang nakikinabang sa gender equality sa larangan ng edukasyon. Malaki rin ang pakinabang ng bayan dito. Ang edukadong babae ay mas maraming kaalaman tungkol sa mga bagay na makabuluhan at kailangan ng pamilya, komunidad, at bayan. Ang edukadong babae ay mas matatag at maliwanag na ilaw, hindi lamang ng tahanan, kundi ng lipunan. Mas malaki ang ambag nila sa kaban ng bayan, at most likely kapanalig, titiyakin din niya na lahat ng kanyang anak o magiging anak ay mabibigyan ng edukasyon.
Ang pagtitiyak na lahat ay may access sa edukasyon ay pagtalima sa prinsipyo na lahat ay may dignidad. Ayon nga sa Pacem in Terris, kung nais natin na maayos at produktibo ang ating lipunan, kailangan nating isabuhay ang prinsipyong lahat tayo ay may dignidad – may talino, kakayahan, karapatan, at kalayaan. Sa pagkakaroon ng gender equality sa edukasyon, ang ating bayan ay nagiging huwaran sa pagkilala sa karapatan at dignidad ng lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.