1,112 total views
March 19, 2020, 12:28PM
Bigyang katiyakan na hindi magugutom ang sambayanang Filipino.
Ito ang panawagan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa upang epektibong maipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Naniniwala ang Obispo na pangunahing dahilan ng mga taong hindi sumusunod sa panuntunan ng pamahalaan ay dulot ng pag-aalala na walang makakain ang pamilya kung hindi makakapasok sa trabaho.
“Magagawa ang lockdown kung may kasiguraduhan ang mga tao na may makakain, dapat mauna yun. Kung panatag ang loob nila na mayroon silang makakain. Pero kung sigurado ‘yun mapapatupad natin ang lockdown, maipapatupad natin yung enhanced community quarantine,”bahagi ng homiliya ni Bishop Gaa sa online healing mass ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo na sa kabila ng mga kakulangan at takot ay ibaling sa Panginoon ang suliranin at hingin sa Diyos ang kapanatagan lalu’t Siya ang nanatiling tapat sa pangako ng kaligtasan.
“Sa ngayon parang tinanggal lahat ng pwedeng pagkunan ng kapanatagan, tinanggal ang lahat pwera lang ang Diyos ang nanatiling tapat sa atin. Ang diyos ang pwede nating paghugutan ng lakas. Dahil Siya ay nananatili ding tapat sa atin,” ayon pa kay Bishop Gaa.
Una na ring nanawagan ang mga Metropolitan Bishops of Manila para sa pagtutulungan ngayong panahon na maraming nangangailangan dahil sa umiiral na lockdown at paghinto ng trabaho ng maraming manggagawa sa Luzon.
Read: Pastoral Letter: A Call of Charity for the Common Good
Ang Caritas Philippines at Caritas Manila ay naghahanda na ng mga mga programa ng simbahan upang makibahagi sa pagtulong sa higit na nangangailangan.
Read: Ligtas Covid Kit, ipapamahagi ng Caritas Manila sa mahihirap na pamilya
Sa Diocese ng Antipolo, iminungkahi na rin ang paggamit ng Alay Kapwa fund para tugunan ang ilang pangangailangan ng mga residente napilitang manatili sa bahay.
Read: Diocese of Antipolo ipinag-utos sa mga pari na tulungan ang mga nangangailangan
Sa mensahe ng Pangulong Rodrigo Duterte, iminungkahi nito ang maagang pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa at iba pang tulong pinansyal para sa mga kawaning apektado ng ‘lockdown’.