2,044 total views
Hindi sang-ayon ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa labing-dalawang senatorial candidate na inendorso ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde.
Ayon kay Marita Wasan, pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, dapat ginamit bilang basehan sa pagpili ng ii-endorsong kandidato ay walang bahid ng katiwalian at korupsyon.
“Pero may record po ito. Dapat ang mga record na ‘yun ang naging basehan ng values. Kami sa layko ang ipino-promote ay common good para sa nakakarami, sa ikabubuti ng nakakarami hindi ng pansarili lang,” ayon kay Wasan sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Wasan na tila binalewala ni Velarde ang panuntunan ng unang binuong White Vote Movement ang paghahalal sa kandidatong Makadiyos, Makatao at Makabayan.
“Matagal naming nakasama ang El Shaddai lalu na sa White Vote Movement sa mga values na aming sinusundan ay the same values na pinagbabasehan namin ngayon, bakit nabago. Hindi po maka-Diyos, hindi makatao at hindi maka-bayan!”pahayag ni Wasan
Kabilang sa mga inendorso ng El Shaddai sa pagka-senador sina Imee Marcos, Ramon Bong Revilla, mga kaalyado ng pangulong duterte na sina Christopher “Bong” Go at Ronaldo “Bato” dela Rosa.
Ang Sangguniang Layko ng Pilipinas ay bahagi naman ng Peoples’ Choice Movement na naglabas din ng mga 10 pangalan ng mga inendorsong kandidato base sa isinagawang pagsusuri.
Sa panawagan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, hiling nito sa mga botante na itaguyod ang kristiyanong pananampalataya sa pamamagitan ng pagpili ng kandidatong nagtatakwil ng kasamaan at matapang na naninindigan sa tunay na maglilingkod sa bayan.