267 total views
Kapanalig, mas maraming mga bata ang naitulak sa kahirapan ngayon dahil sa pandemya. Mas maraming bata ngayon ang nawalan ng access sa mga batayang serbisyo ng bayan dahil sa mga restriksyong dulot ng malawakang pagkalat ng COVID-19. Malaking pagkukulang ito sa hanay ng mga tinuturing nating pag-asa ng bayan, lalo’t pa ang kanilang sektor ang isa sa mga consistent na nasa top three na pinakamahirap sa ating bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 31.4% ng mga bata ay nagmumula sa mga mahihirap na pamilya.
Kaya’t nakakalungkot kapanalig na makita mula sa report ng UNICEF na malaki ang epekto ng pandemya sa mga bata, at ang social amelioration na nabigay ng gobyerno ay nakatulong man, pero hindi talaga sapat.
Nakita ng naturang pag-aaral na malawak na proporsyon ng ating populasyon ang naabot ng Social Ameleoration Program (SAP) ng pamahalaan, kaya lamang may mga pamilyang hindi pa rin nito naabot, lalo na ang mga mamamayang hindi naman dati nasa ilalim ng poverty line. Marami sa mga pamilyang di naabot ay may mga buntis, senior citizens, at mga persons with disabilities. May mga respondents din sa kanilang pag-aaral mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nagsabi na sa DSWD lamang sila nakatanggap ng ayuda, di gaya ng ibang lugar kung saan nagbigay din ang mga LGUs.
Dahil nga bitin ang ayuda na nakuha ng maraming pamilya at halos wala na ring kinikita ang marami sa kanila, nagbabawas na lamang ng makakain ang maraming pamilya, at syempre, sa ganitong sitwasyon, kawawa ang mga bata. Kaya’t malaking tulong sa maraming Filipino noon hindi lamang ang ayuda na in-cash, kundi pati ang mga ayuda na in-kind. Naging pantawid gutom ito ng maraming Filipino.
Dahil sa wala ng kinikita at kinakain ang marami, maraming mga nanay ang napilitang mamili – magtrabaho ba o mag-alaga ng anak. Marami sa mga respondents ng survey ang nagsabi na may mga pagkakataon na napapabayaan na nila ang kanilang mga anak o nababaon sila sa utang para lamang makaraos sa problema. Dagdag pa ito sa mental stress o takot na magka-covid sila at mga miyembro ng pamilya.
Maraming stress na naranasan sa panahon ng pandemya ang mga bata, lalo na ang mga mula sa maralitang pamilya. Nakulong sila sa mga barong barong sobra ang init pag tag-araw, at tumutulo naman pag tag-ulan. May mga pagkakataon na sila ang nabubuntunan ng galit ng kanilang aligagang magulang. Kinailangan din nila mag-adjust sa online learning – na mahirap gawin lalo na kung wala kang internet connection o gadget.
Sabi sa Deus Caritas Est “Sa komunidad ng mga nanalig, wala dapat puwang ang karalitaan na nagnanakaw ng dignidad ng tao.” Kapanalig, buhay at dignidad ang ninakaw ng pandemya sa maralitang Filipino, lalo na sa mga bata. Dapat nating tutukan ang kanilang sitwasyon at piliting mai-ahon sila sa lalong madaling panahon. Agarang aksyon ang kailangan sapagkat maraming buhay ng mga inosenteng bata ang nakataya dito.
Sumainyo ang Katotohanan.