428 total views
Inalmahan ni dating CBCP – president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang iminumungkahi nang isang mambabatas na dagdagan ng 10 hanggang 30 porsiyento ng excise tax ang serbisyo at produktong pampaganda.
Ayon kay Archbishop Cruz, bagaman maituturing na pangangailangan sa ibang kababaihan at luho sa iba ay hiniling nito na babaan ang dagdag na buwis sa mga beauty products and services na hindi pabigat sa mga kababaihan.
“Ang make –up is something luxury it’s not a necessity. Pero para sa kababaihan, mukhang necessity hindi naman luxury yun. Kaya sana kung papatungan ng buwis okay para yung pamahalaan ay magkaroon naman ng pondo pero ang buwis huwag namang masyadong mataas,”pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinaalalahanan rin nito ang gobyerno na hindi sana mauwi sa korapsiyon ang buwis na idaragdag sa pondo ng bayan at mapakinabangan ito ng taumbayan sa ikabubuti ng kalagayan ng nakararami.
“Kung sila ay makakuha ng buwis at magkaroon sila ng pondo ay huwag nilang nakawin. Panay namang ganun ang sistema yung graft and corruption, buwis dito, buwis doon, buwis kaliwa’t kanan pagkatapos hindi naman napupunta sa kabutihan ng mamayan kundi sa mga bulsa ng mga nagpapa – andar ng ating pananalapi,” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Lumabas naman sa pag – aaral ng Kantar World panel mula sa tatlong libong mga Pilipino sa urban at rural areas nito lamang June 2014 hanggang June 2015 na halos labing isang porsiyento ang bumibili ng pampagandang produkto kaysa mga household products.
Magugunitang pinapobaran din ni Archbishop Cruz ang panukalang itaas ang sin tax para mapaganda ang serbisyo publiko.
Read: http://www.veritas846.ph/sin-tax-hike-makakabuti-sa-mga-pilipino/
Nauna na ring itinuturo ng Simbahan na mas mainam na pahalagahan at pagandahin ang kalooban kaysa panlabas na kaayuan lamang.