KUWENTO NG DALAWANG PAMILYA: NI JOSE, AT NI HERODES
3,188 total views

Homiliya para sa Kapistahan ng Banal na Pamilya at Pagsasara ng Jubilee of Hope sa loob ng Octaba ng Pasko, 28 Dec 2025, Sir. 3:2–6, 12–14; Col 3:12–21; Mat 2:13–15, 19–23
Ang Ebanghelyo ngayon ay parang simpleng kuwento lang ng isang pamilyang tumatakas sa panganib. Pero kung babasahin nang masinsinan, kuwento ito ng dalawang pamilya—dalawang klase ng pamilya, dalawang direksiyon ng buhay, dalawang klaseng hinaharap.
Nasa background ang pamilya ni Herodes—makapangyarihan, pero takot na mawalan ng kapangyarihan, handang pumatay para manatili sa trono. Ayon sa kasaysayan, naging napaka-insecure ni Herodes, lubhang ipinapatay ang marami sa sariling mga kaanak niya—sariling mga anak, asawa at mga kapatid dahil sa hinala. Kapag ang pamilya ay nabuo sa pagkagumon sa kayamanan at kapangyarihan, nagiging mapanganib ito—kahit sa sarili nitong mga miyembro.
Sa kabilang banda, nariyan ang pamilya ni Jose—mahina sa paningin ng mundo, walang proteksiyon, walang yaman, napilitang lumikas para lang mabuhay. Isang karpintero, isang kabataang ina, at isang bagong silang na sanggol. Walang palasyo. Walang mga sundalo. Walang ambisyong magtatag ng kaharian.
At ngayong sinasara natin ang 2025 bilang Jubileo ng Pag-asa, sa gitna pa ng saya ng Pasko, tinatanong tayo ng Salita ng Diyos:
Aling uri ng pamilya ang nagbibigay ng pag-asa sa mundo?
Sa Ebanghelyo, nagsalita ang anghel sa panaginip ni Jose: “Tumindig ka, kunin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Egipto.” Walang pagtutol si Jose. Walang tanong. Walang planong pansarili. Pero buo ang loob na makilahok sa plano ng Diyos. Ang mahalaga lang sa kanya: ang kaligtasan ng munting pamilya ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanya, at itinuring na niya bilang kanyang sariling pamilya.
Nang mamatay si Herodes, pinabalik sila—pero hindi sa Betlehem, hindi sa bayan ng kanyang ninunong si Haring David. Masyado kasi itong malapit sa Jerusalem, sa sentro ng kapangyarihan at intriga. Sa halip, doon sila nanirahan sa liblib na bayan ng Nazaret—isang tahimik, hindi kilalang bayan.
Napakahalaga nito.
Hindi na abala si Jose sa pagtatayo ng sarili niyang pangalan o kaharian. Tinanggap niya ang mas malalim na tawag ng Diyos: ang makiisa sa plano ng Diyos na magtayo ng pamilya—hindi sa langit, kundi dito sa lupa. Hindi sa isang palasyo sa Jerusalem, kundi sa tahimik na Nazaret. Hindi sa paghahangad ng kapangyarihan, kundi sa kalinga at pangangalaga.
Hindi sa trono, kundi sa tahanan.
At doon, sa isang munti at simpleng pamilya, itinanim ng Diyos ang binhi ng bagong sangkatauhan—si Kristo, na magtuturo sa atin kung paano maging pamilya ng Diyos.
Sa unang pagbasa, pinaaalalahanan tayo ng aklat ni Sirak kung paano magsisimula iyon: sa paggalang sa magulang, sa pag-aaruga sa mga nakatatanda, sa pananatiling buo ng pamilya.
At si San Pablo naman ang nagsabi kung ano ang hitsura ng pamilya ng Diyos:
“Pagsumikapan ninyo na mabuhay sa malasakit, kabutihan, kababaang-loob, kaamuan, at pagtitiyaga. Pag-aralan ninyo ang magparaya sa isa’t isa. Magpuno sa pagkikulang ng isa’t isa, magpatawaran.”
Hindi ito magagandang mga salita lamang. Ito ang buod ng tahimik at pang-araw-araw na gawain ng pagmamahalan. Ito ang nakapagbubuo at nakapagpapatatag ng pamilya.
Napakalapit nito sa ating karanasan bilang mga Pilipino.
Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging maka-pamilya—at tama naman iyon. Pero alam din natin na mayroong tama at mayroon ding maling mga halimbawa ng pagiging pamilya.
May mga pamilyang ginagawang negosyo ang pulitika. Tama o mali, pinapaboran ang pamilya. Ang namanang kapangyarihan ang ibig ipamana. Walang ibang hangarin kundi ang mapanatili sa puwesto ang angkan. Tulad ng pamilya ni Herodes, nauuwi rin ito sa bangayan—magkakapatid laban sa isa’t isa, nagsisiraan at naglalaglagan, mag-asawa laban sa isa’t isa, anak laban sa magulang—ganito ang kinahahantungan kapag pagkaganid sa kapangyarihan at kasakiman na ang namayani.
Ang ganitong pamilya ay unti-unting wumawasak sa sarili nito.
At kapag itong klase ng mga pamilya ang umiral at namayani sa lipunan natin, pati ang buong bansa ay nawawasak.
Pero may isa pang uri ng pamilyang Pilipino.
Mga tahimik na pamilya.
Mga pamilyang nagpupunyagi sa gitna ng mga matitinding mga pagsubok, lumulusong sa mga kalamidad ng baha, bagyo, sunog, at lindol. Mga pamilyang nagtitiis sa kahirapan, ang iba’y pangingibang-bansa, binabata ang pagkakalayo sa isa’t isa.
Mga pamilyang sabay na nagtitiis, nagdarasal, sama-samang naglalakbay, bumabagsak, at bumabangon muli.
Mga pamilyang nagpapalawak ng kanilang tolda—tumatanggap ng mga kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, pati dayuhan st kapuspalad. Pinipili ang pagkalinga at malasakit kaysa galit at hinanakit, ang pagpapatawad kaysa paghihiganti.
Ito ang pamilyang nagsimula sa sabsaban ng Betlehem na napadpad bilang pamilyang migrante sa Egipto. Umuwi at muling nag-ugat sa Nazaret.
Hindi sila sikat. Pero sila ang binhi ng pag-asa ng sangkatauhan.
Kamakailan, nagpost ako ng litrato ng aming pamilyang David sa Betis—mahigit animnapu kami, hindi pa kabilang ang nasa abroad, ang may karamdaman. 13 kasi kaming magkakapatid; nag-asawa ang 12, nagpari ang isa. 11 sa nag-asawa ay nagkaanak at nagkaapo. Isama pa ang mga hipag at manugang. Isang Barangay na kami, pero patuloy pa rin na nagtitipon-tipon sa aming Bale Pinaud (bahay na pawid) sa probinsya sa mga espesyal na okasyon tulad ng Pasko at Pyesta, bilang parangal at paggunita sa aming mga magulang. Isang malaking pamilya na binubuo ngayon ng munting mga pamilya; at ako imbes na padre de pamilya ay naging padre ng simbahan, pamilya ng Diyos. Sama-samang nagsisikap manatili at magpanatili sa pagkakakaugnay sa puso at diwa.
Iyan ang institusyong nagpapatatag sa bansa—hindi ang maling modelo ng pamilya ni Herodes, kundi ang tahimik na pamilya ni Jose.
Sa pagtatapos ng Jubilee of Hope, hindi tayo pinapadalhan ng Simbahan ng malalaking plano o estratehiya. Ibinabalik niya tayo sa tahanan. Doon kasi nagsisimula ang pag-asa.
Kapag natutunan natin ang landas ni Jose kaysa landas ni Herodes sa pagiging pamilya. Kapag mas mahalaga ang buhay kaysa kapangyarihan.
Kapag ang pamilya ay naging lugar ng pagkalinga at pag-aaruga, hindi ng kontrol at kapangyarihan. Kapag pinalalaki natin ang mga anak hindi para magmana ng pribilehiyo, kundi ng malasakit.
Hindi iniligtas ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng imperyo. Iniligtas niya ito sa pamamagitan ng isang pamilya.
Hindi perpekto, pero tapat.
Hindi makapangyarihan, pero mapagkatiwala. Hindi siya nagtayo ng palasyo at nagtatag ng kaharian. Hinayaan lang niya na tahimik na umusbong ang kanyang pamilyang makalangit sa isang simpleng pamilyang ng mga taong nagpapakatao dito sa lupa.
Nawa’y ang ating mga pamilyang Pilipino ang maging mga binhi ng pag-asa. At nawa’y turuan tayo ng Banal na Pamilya ng Nazaret kung paano maging mga minamahal na pamilya ng Diyos.
Amen.







