35,380 total views

Third Simbang Gabi Homily – 18 Dec 2025, Matthew 1:18–24
Ano nga ba ang first joyful mystery pag nagrorosaryo tayo? Annuciation. Ito ang paksa ng ating ebanghelyo ngayon. Pero teka, hindi ba ang annunciation ay tungkol sa pahayag ni Angel Gabriel kay Mama Mary? Oo, iyun ang Annuciation story sa kwento ni San Lukas. Ang binasa natin ngayong gabi ay ang Annunciation story kay San Mateo: Annuciation to Joseph.
May konti akong problema sa Tagalog translation ng kuwentong ito. May mali sa translation ng linyang “Mary was betrothed to Joseph, but before they lived together, she was found with child.” Sa Tagalog: “Si Maria ay nakatakdang pakasal kay Jose. Pero bago pa sila nagsama, natagpuang buntis siya.” Kung NAKATAKDA pa lang silang ikasal, edi ibig sabihin “engaged” pa lang silang? Bakit kinailangan pang planuhin ni Jose na i-divorce si Maria na pasikreto?
Doon nga kasi nagkalituhan sa salitang Griyegong mnesteuo. Actually, mas tama yung English na “betrothed”. Ibig sabihin, kasal na sila; meron nang pormal na kontrata o kasunduan ang dalawang pamilya. Ang kulang na lang ay ang ritwal na tinatawag natin sa Pilipino na pulotgata, o sa Ingles, honeymoon. Sa tradisyon ng mga Hudyo iyon ang gabi na ihahatid ang lalaking bagong-kasal sa bahay ng katipan niya at sasalubungin ang lalaki ng sampung dalagang abay. Di ba may ganyang parable sa Matthew 25?
Kaya ang mas tamang translation sana ay “Si Maria, na ina ni Jesus, ay naipagkasundo na sa kasal kay Jose.” Pero nalaman nga na buntis na siya bago pa sila magsiping, kaya nag-desisyon siyang magfile ng divorce. (Yes meron na pong divorce noon sa Israel.) Kaya ang mas tamang translation para sa kasunod na linya ay “Ayaw ni Jose na mapahamak si Maria, kaya ipinasya niyang ipawalang-bisa ang kanilang kasunduan nang palihim.”
Bakit palihim? Dahil kapag nabunyag ito sa publiko habang kasal pa sila, pwedeng makasuhan si Maria ng pakikiapid, at ang parusa doon ay kamatayan sa pamamagitan ng pagbabato. Kaya nga tinawag sa ebanghelyo si Jose na isang taong matuwid. Ayaw niyang magpadala sa galit o sa sama ng loob na siya diumano’y pinagtaksilan ng babaeng pinakasalan niya. Kung pasikreto niya munang pawawalan ng bisa ang kasal, kung sakaling mabunyag sa publiko ang pagbubuntis ni Maria sa kalaunan, hindi na siya nakatali sa kasunduan. Hindi na siya pwedeng kasuhan.
Desidido na sana siya, pero nagpigil pa rin siya na isagawa kaagad ang balak niya. Sa halip, itinulog muna niya. At sa tulog niya, kinausap siya ng anghel sa kanyang panaginip. Ipinaliwanag sa kanya na ang pangyayaring ito ay may kinalaman sa binabalak ng Diyos—na matutupad sa pamamagitan ng sanggol na dinadala ni Maria sa sinapupunan. Na siya ay tatawaging Yeshua—dahil siya raw ang maghahatid ng kaligtasan sa kanyang bayan mula sa kasalanan.
Katulad ni Maria, sa naranasang annuciation ni Joseph, ang ipinahayag ng anghel sa kanya ay isang paanyaya. Dahil kahit kailan, hindi naman namimilit ang Diyos. Mataas ang respeto niya sa ating kalayaan. Kung kay Maria, ang conclusion ay Fiat—ibig sabihin pagsunod o pagtalima, ganyan din ang conclusion ng annunciation kay Joseph. Hindi rin siya pinilit. Kusa niyang pinili na isantabi ang pansariling balak, upang bigyang daan ang binabalak ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang bokasyon ay hindi pagsuko kundi pagyakap sa isang misyon na ibig ipagawa ng Diyos.
Alam nyo, mas madali ang magdesisyon kapag ang pagpipilian ay sa pagitan ng mabuti at masama. Mas mahirap kapag ang pagpipilian ay parehong mabuti. O ang pumili sa pagitan ng mabuti at higit na mabuti. Ito ang tinatawag na discernment. Mabuti na lang hindi nagmadali si Joseph. Kung minsan, kapag litong-lito tayo, mas mabuting huwag munang megdesisyon. Mas mabuting ipahinga ang isip at puso, para marinig ang bulong ng anghel—na magbibigay kahulugan sa mga bagay na hindi natin maunawaan.
Dahil sa paliwanag ng anghel, parang biglang nagbago ang tanong para kay Jose: Hindi na, “Ano ang gagawin ko?” kundi, “Handa ba akong makibahagi sa ginagawa ng Diyos?”
Totoo—kung minsan may mga sitwasyon sa buhay na akala natin no-choice na ang sitwasyon, parang wala nang pagpipilian, na para bang wala nang magagawa kundi sumuko. Katulad ni Maria, natuklasan din ni Jose na ang akala niya ay no-choice situation ay nagbubukas pala sa kanya ng pinakadakilang choice na pwede niyang gawin: ang piliin na yakapin ang kalooban ng Diyos.
Kung si Maria ay nagsabing: “Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita,”
si Jose naman ay nagsabi—sa gawa, hindi sa salita: “Aakuin ko ang papel na ibinibigay mo sa akin, Panginoon.”
Ito ang hamon para sa atin ng ebanghelyo ngayong ikatlong araw ng ating Simbang Gabi. Tayo din bilang isang bayan, tulad ni Jose, ay parang nalagay sa madilim na sitwasyon. At siyempre dahil sa pagkadismaya sa sistema ng korapsyon na naging parang talamak na kanser, dahil sa sama ng loob sa ninakaw na bilyon-bilyon mula sa ating kabang-yaman— na ayaw pa ring aminin ng mga pulitiko at kongtratistang kasangkot—parang nakakatuksong magpadalos-dalos. Nakakatuksong magpatalo sa pagkasira ng loob at kawalan ng pag-asa.
Ito ang panahon na napakahalaga ng tulog, pahinga, pakikinig sa bulong ng anghel. “Paano ako tutugon sa paanyaya ng Diyos sa sitwasyong ito?” Minsan, ang tunay na kaligtasan ay hindi natatamo sa pag-iwas o pagtakas, kundi sa pagharap at pananatili.
Hilingin natin ang biyaya ng magkasamang tapang at hinahon: tapang na humarap sa ibig nating iwasan o takasan. At kahinahunan ng loob na magbubunyag sa atin ng mga misteryong lampas sa sarili.




